RAPIDO NI TULFO
ITO nga ang bagong bansag ngayon kay Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo dahil sa tila masyado nitong makalilimutin nang humarap ito sa Senado noong nakaraang linggo. Ang titulong ito ay hango sa isang pelikula ni Toni Gonzaga na “My Amnesia Girl” na pumatok sa takilya ilang taon na ang nakararaan.
Halos lahat kasi ng itanong sa kanya ni Sen. Risa Hontiveros ay ang isinasagot nito ay “Hindi ko na po maalala, your Honor”
Mula sa tanong na bakit late na inirehistro ang kanyang birth certificate hanggang sa kung ano ang sistema ng kanyang home schooling.
Ayon sa report na nakalap ni Sen. Hontiveros, hindi kilala ng mga taga-Bamban si Mayor Guo at bigla na lang lumutang noong eleksyon at nanalo noong 2022.
Sa murang edad na 37-anyos, mukhang mayroon nang dementia itong si Mayora dahil hindi nito maalala ang mahahalagang bagay sa buhay ng isang tao tulad ng kung saan siya ipinanganak, etc. Kung tutuusin, ang mga bagay na tunay na nangyari sa ‘yo, kahit wala ka pa sa hustong gulang, ay malalaman mo dahil ito ay sasabihin sa ‘yo ng magulang mo.
Si Mayor Guo ay iniuugnay ngayon sa ipinasarang Philippine Offshore Gaming Operators (POGOs) sa Baofu Compound sa Bamban, kung saan lumabas sa imbestigasyon na nakapangalan kay Mayora Guo ang business permit nito, ang bills tulad ng Meralco, at maging ang ilang mamahaling sasakyan na nakumpiska roon.
Ang POGO na ito ay sinasabing sangkot sa hacking at pamemeke ng mga dokumento ng Chinese nationals na nasa bansa upang magkaroon ang mga ito ng Philippine documents. Nauna nang sinabi ni Guo na wala siyang kinalaman sa operation nito kahit sa kanya nakapangalan ang building kung saan ito nag-ooperate.
Patuloy nating tututukan ang imbestigasyon sa kaso na ito.
595