MAY DAHILAN PARA MAALARMA SA PERTUSSIS

EDITORIAL

NAKAAALARMA ang patuloy na pagtaas ng kaso at paglaganap ng pertussis sa ilang rehiyon sa bansa.

Nakadagdag sa pangamba ang inanunsiyo ng Department of Health (DOH) na mababa na ang imbak na 5-in-1 o pentavalent vaccines na ginagamit kontra pertussis.

Ang pentavalent vaccine ay kombinasyon ng lima sa isang bakuna na proteksyon laban sa diphtheria, tetanus, whooping cough, hepatitis B, at Haemophilus influenzae type B.

Wala raw dapat ipangamba dahil may darating na tatlong milyong pentavalent vaccines sa Hunyo na magsisiguro ng patuloy na supply ng bakuna para tugunan ang tumataas na kaso ng pertussis sa bansa.

Kulang na ang supply ng bakuna at matagal pa ang pagdating ng mga inorder sa ibang bansa kaya hindi maikakailang marami ang nababahala, partikular ang nasa malalayong lugar na hindi inaabot o kung abutin man ng supply ng bakuna ay hindi sapat.

Sa ulat ng DOH, umabot na sa 1,112 ang kaso ng pertussis mula Enero 1 hanggang Marso 30, at ang 54 nasawi ay mga batang hindi pa umaabot ng edad na limang taon.

Hindi lamang mga bata ang malapit sa peligrong dala ng pertussis. Malaki rin ang tyansang kapitan ang matatanda kaya pinamamadali ang pagpapalabas ng flu vaccines para sa mga senior citizen ngayong Mayo para mapigilan ang paglaganap ng sakit.

Mahalaga ang maagang paghahanda sa pagpapalabas ng vaccine-preventable diseases (VPDs) para maagapan ang pagkalat nito dahil mas prone ang mga nakatatanda sa pneumonia at ilang komplikasyon, ayon kay Infectious disease expert and RAISE Coalition lead convenor Rontgene Solante.

Gaya ng mababang stock ng bakuna ng pertussis ay kulang din ang bakuna para sa flu ng matatanda.

May mga nauna nang insidente na ilang senior citizen lang kada barangay ang inaabisuhang may bakunang magaganap.

Ang mga hakbang para matugunan ang laging kapos na supply ng anomang bakuna ay dapat malaon nang ginawa dahil dapat natuto na ang nasa pamahalaan sa nangyari noong pandemyang dulot ng COVID-19.

Madalas na nagiging dahilan din ng kinapos na bakuna ang kawalan ng storage facility sa mga health center.

Ang mga problemang ito ay kailangang tutukan nang malunasan. Ang kalusugan ng publiko ang nakataya, at nakasalalay sa madaliang aksyon ng pamahalaan.

52

Related posts

Leave a Comment