MAY PAGKAKAIBA BA ANG COLORED PLASTIC BAG  AT PLASTIC LABO?

POINT OF VIEW

Ano ang pagkakaiba ng mga colored plastic bag at supot kaysa plastik labo na karaniwang ginagamit natin bilang pambalot ng pagkain, paninda at iba pang paggagamitan nito.

Ang katanungang ito ay nabuo sa isip natin dala na rin sa nakikita nating mga nagkalat at naglilipanang gamit ng mga plastik labo sa mga basurahan, lansangan, sa daluyan ng mga tubig at sa kung saan-saan na nadadaanan natin na dati ang nakikita natin ay may iba’t ibang kulay na plastik.

Kung matatandaan na taong 2012 kauna-unahang nagpasa ng ordinansa ang Muntinlupa City para sa total ban sa paggamit ng plastik sa mga establisimiyento, palengke at iba sa kanilang lungsod na sinundan naman ng ilang lungsod pa sa Metro Manila at maging sa ibang lalawigan.

Bunsod ito sa natutunang leksiyon matapos ang naganap na bagyong Ondoy kung saan lumubog ang halos ang buong Metro Manila at kalapit na lugar dahil sa umano pagbara ng mga plastik na basura sa mga daluyan ng tubig, gaya ng mga ilog, kanal, imburnal na patungo sa Manila Bay at iba pang water ways.

Natigil ang paggawa at pagtitinda ng mga sando bag at supot na may iba’t ibang kulay at ang ipinalit ay ang tinatawag na plastic labo.

Ang plastik labo na ito ay siya na ngayong kasama sa mga isinusukang basura mula sa Manila Bay patu­ngong Roxas Boulevard tuwing nagkakaroon ng malakas na alon dala ng bagyo.

Ito na rin ang namumu­ting nakikita natin sa mga tapunan ng basurahan, lumulutang sa mga ilog, nagkalat sa kalsada at mga kalye maging hanggang sa mga kabundukan na dati ay iba’t ibang kulay na plastik ang nakikita natin.

Sa totoo lang, talagang mahalaga ang plastik na karaniwang partner natin sa pang-araw-araw na­ting pagkilos, aktibidad lalo na sa pagnenegosyo dahil mahirap magbalot ng mga basang paninda kung walang plastik. Subalit kung nagdudulot naman ito ng negatibong epekto tulad na rin sa mga nararanasan natin sa mga pagbaha ay dapat talagang ipabawal na ang paggawa, ang pagtitinda at pagpapakalat nito at palitan ito ng mga environment-friendly na materyales.

Ang punto natin, kung ipinagbabawal ang plastic bag, dapat bawal talaga ang anumang kulay nito. Hindi ‘yung papalitan lang ang kulay ay pwede na. Kung bawal, bawal talaga.

Dahil sa totoo lang, iisa ang kanilang hatid na pro­blema sa ating kapaligiran, hindi agad sila natutunaw at nagdudulot sila ng pagbaha at maruming kapaligiran.  (Point of View / NEOLITA R. DE LEON)

437

Related posts

Leave a Comment