HUWAG NA SANANG BUMALIK ANG M/V EMERALD

SA TOTOO LANG

Mabuti naman kung hindi na matutuloy ang dredging project sa Lobo, Batangas at hinarang na ito ng lokal na pamahalaan doon.

Ito kasi ang pinakahu­ling ulat sa ngayon na alam natin, na kahit paano ay lulusaw sa pangamba ng mga residente ng Lobo.

Kahit papaano ay makakahinga na ang mamamayan ng Lobo at may kapanatagan na rin ang bansa. Gayunman, dapat alerto at nakahanda pa rin tayo sa anumang puwedeng mangyari dahil maaaring bumalik ang foreign dredging vessel na M/V Emerald at magpatuloy ito sa kanilang layunin.

Nilisan ng dredging vessel ang naturang lugar noong Biyernes dahil ayon sa lokal nitong pamahalaan ay terminated ang kontrata nila sa Seagate Engineering and Buildsystems na siyang nagpapatakbo ng M/V Emerald.

Noong 2008 pa ipinagkaloob ang naturang kontrata pero wala namang naumpisahang trabaho ang barko.

Ang proyekto ay para masolusyunan sana ang nangyayaring flashlood sa lugar.

Sinuspendi ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) ang plano ng Seagate dahil sa kakulangan din ng kaukulang mga dokumento kabilang pa rito ang clearance mula sa Mines and Geosciences Bureau o MGB.

Ang naturang dredging vessel ay sinasabing inoopereyt ng mga Chinese at Indonesian crew ayon sa Philippine Coast Guard. Dito nabahala ang mga lokal na residente dahil mga Tsino ang nakikita nila sa kinalulugaran ng M/V Emerald. Iba na kasi ang takot na namumumuo sa ating mga kababayan lalo’t kadikit nito’y Chinese o ang China.

Nakakapagtaka lang din na sa mga dokumento ng Seagate partikular sa memorandum of agreement nito sa lokal na pamahalaan ng Lobo ay wala itong expiration. Kaya tama ang sinabi ni DENR Undersecretary Benny Antiporda na gagawa sila ng hakbang para maeksamin ang isyu na ito at malaliman nang husto ang legalities nito.

Kung hindi masusuri ang isyung nabanggit ay maiisip ng taumbayan kung may korapsyon itong kaakibat. (Sa Totoo Lang / ANN ESTERNON)

110

Related posts

Leave a Comment