MAY RIGODON BA SA GABINETE SA SUSUNOD NA BUWAN?

MY POINT OF BREW

MALAPIT nang magtapos ang buwan ng Mayo. Abangan natin na sa pagpasok ng buwan ng Hunyo, maaaring magkakaroon ng anunsyo ang Malakanyang sa mga bagong mukha sa gabinete. Karamihan na maaaring bagong miyembro ng gabinete ay mga politikong natalo noong nakaraang eleksyon. Matatapos na kasi ang tinatawag na one-year appointment ban ng Comelec kung saan ipinagbabawal na pumasok muli sa serbisyo publiko ang mga kandidato na hindi nagwagi noong May 2022 elections.

Ito ay pinagtibay kahapon nang sinabi ni PBBM na magkakaroon ng reorganization ang kanyang gabinete sa susunod na buwan. “Yes, there’s really going to be – I don’t know about reshuffle but – a reorganization of the Cabinet,” ang sabi ni Pangulong Marcos.

Sa totoo lang, kakaiba ang sistema at nangyari sa administrasyon ni Marcos sa nakalipas na isang taon. Matatandaan na may ilang na-appoint sa puwesto noong mga unang buwan matapos na opisyal na manungkulan si PBBM bilang pangulo ng ating bansa.

Halos lahat ng na-appoint noong panahon ni dating Executive Secretary Vic Rodriguez ay pinalitan matapos na siya ay mag-resign. Kasama na dito sina dating Press Secretary Trixie Angeles, Philippine Sports Commission Chairman Noli Eala, National Irrigation Administration Administrator Benny Antiporda at ilan pang undersecretaries, commissioners at directors sa iba’t ibang mga sangay ng gobyerno.

Malakas ang ugong noon na ang pagsibak sa appointed officials noon ay dulot ng gusot sa pagitan nina ES Rodriguez at First Lady Liza Araneta Marcos o mas kilala bilang LAM.

Marami ang nakapuna na mabagal ang usad ng pag-aanunsyo ng presidential appointees sa administrasyon ni Marcos kung ito ay ikukumpara sa nakaraang mga administrasyon.

Marami rin sa kasalukuyang mga na-appoint ay ‘acting position’ pa lamang. Hindi pa permanente ang kanilang appointment at maaari silang palitan sa isang kurap ng mata.

Sa ngayon, wala pang tunay na namumuno ng Department of Agriculture, Department of Health at Department of National Defense na kung tutuusin ay naging kontrobersyal sa unang taon ng pamumuno ni PBBM. Sa DA, nagkaroon ng isyu sa kakulangan ng suplay sa asukal, bigas at sibuyas. Sa DoH naman ay ang isyu sa patuloy na kampanya natin laban sa Covid-19, dengue at marami pang iba.

Samantala, sa DND naman ay naging mainit ang usapan sa magulong palitan ng AFP chief-of-staff sa pagitan nina Gen. Bartolome Bacarro ay Gen. Andres Centino.

Si PBBM ang namumuno ng DA. Samantalang si Undersecretary Maria Rosario Vergeire at Senior Undersecretary Carlito Galvez Jr. naman ang officers-in-charge ng DOH at DND.

Malakas ang ugong na ang natalong senatorial candidate na si Gilbert ‘Gibo’ Teodora ang napipisil na hahawak ng DND sa susunod na buwan. Si Teodoro ay naging DND Secretary noong panahon ni Pres. Gloria Macapagal Arroyo. Tumakbo si Teodoro sa pagkapangulo sa ilalim ng LAKAS-NUCD noong 2010 presidential elections kung saan ang kanyang pinsan na si yumaong Noynoy Aquino ang nagwagi.

Sino kaya ang mga susunod na i-appoint ni PBBM sa susunod sa buwan? May mga usap-usapan na ang natalong vice presidential candidate ni Isko Moreno na si Dr. Willie Ong ang susunod na DoH secretary.

Marami pang lumulutang na mga pangalan na papasok sa gabinete ni PBBM. Bukod dito ay magkakaroon din daw ng rigodon kung saan ililipat ang isang kalihim na pinagkakatiwalaan ni PBBM bilang kanyang Executive Secretary. Hmmmm.

Mukhang umpisa na naman ng galawan, gapangan sa loob ng Palasyo upang sila ay ma-appoint sa susunod na buwan. Abangan na lang natin.

282

Related posts

Leave a Comment