MAY SINDIKATO BA TALAGA?

DPA ni Bernard Taguinod

Matagal na nating naririnig na may sindikato na humahawak sa mga pulubi sa Metro Manila at mga highly urbanized area sa ating bansa pero may nahuli na bang sindikato?

Sa pelikula ko lang nakita na may sindikato na kumikidnap sa mga bata at saka pinipilit na mamalimos pero duda ako na may ganitong grupo dahil hanggang ngayon ay wala pa namang nahuhuli. Ang tagal na eh.

Kung madalas kayo sa mga lansangan, marami ka talagang makikitang mga bata at matanda na namamalimos sa nakahintong mga sasakyan at nasa iyo na ‘yun kung magbibigay ka o hindi.

Kung mag-oobserba ka sa paligid, may mga matatanda na kasama ang mga bata pero mukhang magulang nila ang mga ‘yun dahil magkakahawig sila at siguradong hindi ‘yun sindikato.

Sila ang tinatawag nating mga homeless at nakatira lang sa mga lansangan at dahil walang kayod, tanging sa limos ng mga tao sila umaasa para magkaroon ng laman ang kanilang sikmura.

‘Yung matatanda naman na nandyan sa Quezon Avenue sa palagay ko hindi hawak ng sindikato dahil medyo maayos naman ang itsura nila at wala lang sigurong kayod dahil sa edad nila kaya namamalimos.

May mga namamalimos din na maayos ang pananamit at bigla ka na lang lalapitan at kunwari ay kailangan nila ng pamasahe pauwi sa kanilang probinsya at sa awa mo naman ay magbibigay ka pero hindi sila pinapansin ng gobyerno kundi ang gusgusing mga pulubi lang ang napapansin.

‘Yung nag-viral na bata na namalimos gamit ang QR code, ay hindi naman mukhang gusgusin at malamang may pamilya at walang indikasyon na hawak siya ng sindikato. Walang pamilya, ngayon ay walang digital wallet.

Kahit sa Singapore, may makikita kang mga namamalimos na kapag sinabihan mong wala kang cash, papakitaan ka ng QR code. ‘Di ba may artista na ang nakaranas ng ganyan sa Singapore?

Kapag Christmas season, marami tayong mga kababayang IPs o katutubo na bumababa para mamalimos at kapag umuuwi na sa kanilang probinsya ay marami na silang bitbit na mga kagamitan tulad ng telebisyon. Hindi nila magagawa ‘yan kapag may sindikatong may hawak sa kanila.

Ngayon, gusto ng gobyerno na mawala ang mga namamalimos sa lansangan? Magagawa nila ‘yan kapag binigyan ng tirahan at hanapbuhay ang mga pamilyang natutulog sa mga lansangan.

Marami raw programa ang gobyerno para sa mga mahihirap pero mukhang hindi naman lahat ay nabibigyan kaya may mga kababayan tayong namamalimos sa mga lansangan.

May mga bahay ampunan pero bakit hindi kinukuha ‘yung mga bata na natutulog sa lansangan? Saka lang naman mawawala ang mga ‘yan kapag may bisita ang Pilipinas tulad noong bumisita si Pope Francis na hinakot ang mga pulubi at dinala sa isang beach resort sa Batangas.

405

Related posts

Leave a Comment