MAY SUMPA ANG BLUE RIBBON COMMITTEE?

DPA ni BERNARD TAGUINOD

KUNG mayroong pinag-aagawang komite sa Senado ito ay ang Blue Ribbon Committee dahil ito ang pinakamakapangyarihang komite bukod sa Senate Committee on Finance na katapat ng Committee on Appropriations sa Kamara.

Tuwing may bagong liderato sa Senado, ang tinututukan talaga ng media ay kung sino ang magiging chairman ng Blue Ribbon dahil ito ang mag-iimbestiga sa lahat ng mga anomalya sa gobyerno.

Pero parang may sumpa na ang komiteng ito dahil lahat ng umupong chairman mula kay dating Sen. TG Guingona, ay hindi na nare-elect o hindi na pinabalik ng mga botanteng Pinoy sa Senado.

Sumunod kay TG si Sen. Leila de Lima bilang chairwoman ng nasabing komite, at habang siya ang chairperson ay ipinakulong siya ng administrasyon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte matapos siyang akusahan na sangkot sa illegal drug trade sa New Bilibid Prison.

Habang nasa kulungan ay tumakbo si De Lima sa kanyang re-election noong 2022 pero hindi siya nakabalik sa Senado dahil ika-23 siya sa mga kandidato, eh 12 lamang ang kailangang umupo.

Pinalitan ni Sen. Richard “Dick” Gordon si De Lima sa Blue Ribbon Committee at bago siya tumakbo para sa kanyang re-election noong 2022 ay inimbestigahan muna nito ang anomalya sa pagbili ng medical kits na ginamit sa COVID-19 pandemic.

Pangunahing kontrabida sa imbestigasyon ang Pharmally na sinasabing pag-aari ng mga taong malapit kay Digong pero parang nawalan ng gana sa kanya ang mga tao dahil hindi nito itinuloy ang imbestigasyon sa ilegal na droga kaya ang ending, natalo siya.

Dahil sa karanasan ng tatlong nabanggit na senador, usap-usapan na tila may sumpa ang Blue Ribbon Committee na kung sino ang uupong chairman ay hindi na makababalik sa Senado o hindi na ire-reelect ng mga tao.

Nang mag-resign si Sen. Francis Tolentino bilang chairman ng Blue Ribbon, may mga Marites ang nagsasabing baka naniniwala siya sa sumpa ng komite lalo na’t sa 2025 ay tatakbo ito sa kanyang reelection bid.

Ang pangunahing dahilan ni Tolentino kaya siya nag-resign ay dahil may kasunduan umano sila sa Senado na isa’t kalahating taon lang niyang pamumunuan ang makapangyarihang komite na ito sa Senado.

Maaaring idinahilan na lamang ni Tolentino ang kasunduan dahil noong ibigay sa kanya ang chairmanship ng komiteng ito ay wala namang nabanggit na isa’t kalahating taon lang siyang uupo.

Ngayon ay aabangan natin kung sino ang papalit sa amo ni JC at sana ibigay ‘yun sa mga hindi na dapat bumalik sa Senado lalo na doon sa mga nagkakalat lang at hindi alam ang kanilang trabaho.

203

Related posts

Leave a Comment