HINDI na raw sisingilin ng dalawang concessionaires na Maynilad at Manila Water ang bilyun-bilyong pisong kanilang napanalunan laban sa gobyerno ng ‘Pinas na nadesisyunan sa Singapore court.
Siyempre, alam na ng taumbayan kung bakit. Nagalit kasi si Pangulong Rodrigo Duterte sa kanila dahil wala silang inisip kundi pagkakaperahan.
Sabi nga ng mga mambabasa ng Puna, dapat lang gamitan ng kamay na bakal ni Pangulong Digong ang mga negosyante na nagpapatakbo ng tubig dahil pangunahing pangangailangan iyan ng taumbayan.
Kaya sa galit ng pangulo sa Maynilad at Manila Water ay hindi na sila pinayagan ng Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS) na mag-extend ng kanilang kontrata hanggang 2037.
Na ang original nilang kontrata ay dapat hanggang 2022 lang.
Sagot naman ng mga taga-Maynilad at Manila Water na mapipilitan silang magtaas ng singil ng tubig dahil hindi nila matatapos ang kanilang mga proyekto kung hindi sila bibigyan ng extension.
“Sir, kung niloloko lang nila ang taumbayan, dapat lang po ‘wag na sila bigyan ng extension,” sabi pa ng isang mambabasa ng Puna.
Lalo pang nagngitngit ang Pangulong Digong nang masilip niya ang kontrata sa pagitan ng gobyerno at dalawang concessionaires na dehado ang taumbayan.
Ang Maynilad Water Services Inc. ay nanalo sa kaso laban sa Philippine government noong Oktubre 2018 sa High Court ng Singapore na may halagang P3.44 billion dahil daw sa water rate adjustment na hindi naipatupad.
Natalo rin sa kaso ang Philippine government ng halagang P7.39 billion sa Ayala-led Manila Water matapos hindi ring inaprubahan ang kanilang pagtataas ng singil ng tubig.
Kamakailan, ipinatawag sa Mababang Kapulungan ng Kongreso sina Ramoncito Fernandez, President and CEO ng Maynilad at Jose Almendras, President and CEO ng Manila Water para sa pagdinig kaugnay sa isyu ng tubig.
Sa ganang akin po ay mas gusto ko rin po na gobyerno na lang ang humawak n’yan, ‘wag nang ipasa sa pribadong kompanya.
Abangan na lang po natin sa mga susunod na taon kung ano ang magiging pinal na desisyon ng pangulo.
oOo
Para sa suhestiyon at reaksyon, maaaring mag-email sa joel2amongo@yahoo.com//operarioj45@gmail.com (Puna / JOEL O. AMONGO)
130