MGA ANAK NG OFW NAUBOS SA SUNOG, OWWA SUMAKLOLO

WALA na sigurong makakapantay sa sakit ng kalooban ng isang ina kung ang kanyang anak ay sabay-sabay na namatay.

Ganito ang nangyari sa pamilya ng isang OFW na nasa Kuwait na kung saan ang kanyang apat (4) na anak ay nasunog sa loob ng kanilang tahanan. Bagaman hindi pa malinaw ang tunay na pangyayari,
ngunit aking napag-alaman na ang ama ng mga bata ay ­kasalukuyang nakakulong dahil sa hinala na ito ay may kasalanan sa pagkasunog ng tahanan.

Ang OFW na namatayan ng kanyang apat na anak na lalaki na may edad na 4, 6, 7 at 9 taong gulang ay si Zenaida Niez na kasalukuyang nagtatrabaho sa bansang Kuwait bilang kasambahay. Matapos na
malaman ng AKO OFW Kuwait ang pangyayari sa anak ni OFW Zenaida ay agad itong ipinarating sa akin upang ihingi ng tulong.

Tanging kahilingan ni OFW Zenaida ay ang maka-uwi agad sa Pilipinas upang ipagluksa at maipalibing ang kanyang apat na anak.

Kaya mabilis kong pinakiusapan si Atty. Llewelyn Perz, Overseas Worker Welfare Administration (OWWA) Welfare Officer upang pakiusapan ang amo ni OFW Zenaida na ito ay mapayagan na mapauwi agad sa Pilipinas.

Tulad ng aking inaasahan ay naging matagumpay si Welfare Officer Llewelyn Perez na mapakiusapan ang Kuwaiti employer at ito ay pinayagan na makauwi sa Pilipinas sa kondisyon na si Zenaida ay matutulungan din na makabalik muli sa Kuwait dahil may inaalagaan itong mga bata sa tahanan ng kanyang employer.

Gayundin ay nakiusap si OFW Zenaida na makabalik muli sa Kuwait upang kahit papaano ay malibang ang kanyang isipan upang hindi siya labis na mangulila.

Kahapon ay ibinalita na sa akin ni Welfare Officer Llewelyn Perez na nagkaloob ang OWWA ng libreng pamasahe sa eroplano para kay OFW Zenaida at nakatakda na itong lumipad patungo sa Pilipinas sa Enero 28 at nakatakdang lumapag sa Clark International Airport.

Gayundin ay personal na inasikaso na rin ng OWWA ang pagpaparehistro para sa swab testing at hotel accommodation. Personal ko rin pinakiusapan si OWWA Repatriation Unit Director Regina
Galias upang ­masiguro na si OFW Zenaida ay mabilis na makakauwi sa Zamboanga Del Sur .

Ang buong AKOOFW ay taos pusong nakikiramay kay kabayan Zenaida Niez at dalangin namin na malagpasan niya ang matinding kalungkutan dulot ng pagkamatay ng kanyang mga anak.
oOo

Nagpalabas ng bagong protocol ang Inter Agency Task Force (IATF) para sa pagswab test ng mga uuwing OFW mula sa ibang bansa.

Kung dati-rati ay kinakailangan na magpa-swab test sa pagbaba pa lamang ng eroplano at muling isa-swab matapos ng limang araw bago payagan na makalabas ng OWWA ­quarantine facilities. Sa bagong
patakaran ay magsasagawa lamang ng swab test matapos ng limang araw na ang bilang ay nagmumula sa kinabukasan matapos na ito ay lumapag sa paliparan.

Kung sakaling ito ay mag negatiobo ay maari na itong makauwi sa kanyang pamilya at kung nag-positibo naman ay mananatili ito sa quarantine facilities ng Bureau of Quarantine. Mananatili pa rin
itong libre para sa lahat ng mga OFW.

oOo
Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa akin sa e-mail address saksi.ngayon@gmail.com o drchieumandap@yahoo.com o tumawag sa (02)84254256.

79

Related posts

Leave a Comment