MGA INABANDONANG PADALA NG ALL WIN AT CMG, IRE-RELEASE NA NG BOC

RAPIDO Ni PATRICK TULFO

SA pagpapatuloy ng aming pagtugaygay sa reklamo ng ating mga kababayang OFWs (overseas Filipino workers) sa United Arab Emirates laban sa dalawang cargo firms na All Win at CMG, naki­pag-ugnayan naman ang aming programa sa Bureau of Customs (BOC) upang malaman ang estado ng mga kargamento na nasa pangangalaga ng naturang ahensya ng gobyerno.

Ayon kay BOC Asst. Commissioner Atty. Vincent Maronilla, ilang containers daw na ipinadala ng All Win at CMG ang nakatambak sa kanilang tanggapan dahil ito raw ay inabandona ng dalawang Dubai based cargo firms.

Idinedeklarang abandonado na ang isang cargo container kapag hindi prinoseso ng nagpadala ng mga kargamento ang mga papeles nito at hindi nagbayad ng shipping fee at duties and taxes.

Sinabi ni Atty. Maronilla, mistulang kinuha lang ng dalawang cargo firms na All Win at CMG ang mga pera at packages ng mga kliyente nito at pagkatapos ay iniwan na lang ng mga itong nakabinbin sa ere.

Sa kaso raw ng All Win Cargo, ang dating door-to-door na partner nito na Cargoflex ay tumangging kunin na ang pinakabagong shipment nito dahil hindi naman daw sila pinasabihan at binayaran kahit pa sa kanila ipinangalan ang kargamento.

Ganun din daw ang CMG na inabandona rin ang mga kargamentong ipinadala rito sa Pilipinas at ilang beses na raw pinagbigyan ng Customs ito upang maayos ang mga dokumento ng kanilang mga kargamento lalo na noong kasagsagan ng pandemic sa bansa pero wala rin itong ginawa.

Ultimong ang BOL (Bill of Lading) na dapat na isinu-surrender sa Bureau of Customs ay hindi raw ibinigay ng mga ito. Ang Bill Of ­Lading ay ang dokumento na dapat ay kasama ng mga kargamento upang malaman kung saan nanggaling ito at kung sino ang kukuha nito. Kaya nahihirapan daw silang hanapin ang mga may-ari o recipients ng mga ito.

Mabuti na lang at nakipagtulungan daw sa kanila ang mga ­miyembro ng Door-to-door Consolidators Association of the ­Philippines (DDCAP) upang mapabilis ang pagproseso at paghatid ng mga inabandonang mga kargamento. Idinagdag pa ni Atty. Maronilla, kung susundan ang proseso, ang mga naabandonang kargamento ay pag-aari na ng gobyerno at pwede nang idaan sa bidding process upang ang makokolektang pera ay papasok sa kaban ng bayan.

Pero ito raw ay idinonate na lang sa DDCAP upang maiparating na sa mga recipient ang mga padala.

Samantala, naghahanda na raw ng demanda laban sa All Win at CMG cargo ang Bureau of Customs dahil sa ginawa ng mga ito na pag abandona sa mga padala ng mga kliyente ng mga ito.

111

Related posts

Leave a Comment