MGA LOKAL NA OPISYAL NG BOHOL, NAGKABUHOL-BUHOL!

 MY POINT OF BREW ni JERA SISON

HALA kayo dyan! Pagkatapos na maging viral ang isang resort sa loob ng Chocolate Hills at umani ito ng batikos kung paano nakalusot at pinayagang ipatayo ito, ang lahat ng sampung daliri sa kamay ng ilang mga lokal na opisyal ay nagmistulang mga HINTUTURO!

Marahil sa kasalukuyan ay naghahanap sila ng masisisi kung bakit humantong sa ganitong sitwasyon ang kapalpakan na ginawa sa Chocolate Hills na isang protected area. Noong July 1, 1997, si dating Pangulong Fidel V. Ramos ay nagbaba ng kautusan na ang Chocolate Hills ay isang “National Geological Monument and a Protected Landscape for its unique geological formations.”

Sino ba talaga ang dapat sisihin dito? Ayon sa Department of Tourism (DOT), hindi accredited ang nasabing Captain’s Peak Resort sa kanilang ahensya. Ayon din sa Department of Environment and Natural Resources (DENR), walang ibinigay na environmental compliance certificate (ECC) upang magpatayo ng isang resort sa Chocolate Hills. Anyare?!

Ano ang papel ng mayor ng nasabing bayan na sakop ng nasabing resort upang makapag-operate? Paano pinayagang itayo ito? Paano nakakuha ng business permit ang nasabing resort mula sa lokal na pamahalaan? Heto pa, hindi rin daw alam ng mga lokal na opisyal sa Bohol, pati na ang may-ari ng resort, na may temporary closure order (TCO) na raw ito mula sa DENR noong Setyembre 2023!

Sa katunayan, nagsagawa pa ng paligsahan ng langoy ang provincial government ng Bohol noong nakaraang Pebrero sa resort. Eh bakit ganun???

Sa totoo lang, malaking dagok ito sa ating bansa at nagiging isang katatawanan tayo ng mga ibang bansa. Lumalabas na walang koordinasyon ang ilan sa ating mga lokal lider sa magagandang mga lugar na nilikha ng Diyos sa Pilipinas upang maprotektahan ang mga ito. Minsan tuloy, ako ay napapaisip kung anong klaseng sambayanan tayo sa pagmamahal ng ating bansa?

Anong uri at kalidad ang mga iniluklok nating mga opisyal ng gobyerno at may mga ganitong insidenteng nangyayari sa ating bayan? Malala na ba ang korupsyon hanay ng mga politiko na inihalal natin?

Sa totoo lang, isa ako sa milyong mga Pilipino na napailing at nagalit nang makita ko ang larawan ng Captain’s Peak Resort sa loob ng Chocolate Hills sa Bohol. Hindi ba ito rin dapat ang unang reaksyon ng mga namumuno sa Bohol nang mag-apply sa plano na pagpapatayo ng resort sa Chocolate Hills?

Hindi natin maikakaila na ang lalawigan ng Bohol ay kilala bilang isang tourist destination. Sa katunayan, ang turismo ang isa pangunahing industriya nila. Subalit mukhang sumosobra na yata ang ilang lider natin sa Bohol at pati ang Chocolate Hills ay handa nilang sirain upang pagkitaan ito sa ngalan ng turismo. Nasaan ang konsensya nila?

Kaya naman ang Kongreso ay agarang nagpatawag ng isang pagdinig at imbestigasyon kung bakit pinayagan ito. Ang balita pa ay hindi lamang ang Captain’s Peak Resort ang nagpatayo sa Chocolate Hills. May ibang mga pinayagan din ng lokal na pamahalaan. Susmaryosep!

Magkakaalaman kapag sinimulan na ang imbestigasyon tungkol dito sa Kongreso. Tingnan natin kung magmistulang swit ang mga mukha ng ilang opisyal ng ating gobyerno na kasing tamis ng chocolate kapag tinanong sila ng ating mga mambabatas…mga SWITIK!

72

Related posts

Leave a Comment