LABANAN ANG KALUPITAN SA MGA HAYOP

THINKING ALOUD ni CLAIRE FELICIANO

NAKAGAGALIT talaga itong napabalita kamakailan na walang-awang pagpatay sa isang golden retriever sa Camarines Sur na talagang nakatawag-pansin hindi lamang sa mga netizen kundi pati na rin sa mga mambabatas.

Kuha mismo sa isang CCTV footage kung paano hinabol at sinaktan hanggang mawalan ng buhay ang asong si Killua na walang kalaban-laban sa nangyari. Napakasakit pa na duguan at nasa loob ng sako ang kawawang aso.

Isa sa mga naging positibong naidulot ng social media ay ang paglalantad sa mga ganitong pang-aabuso dahil nagmumulat ito sa kamalayan ng marami, at nagtutulak para magkaroon ng aksyon at maparusahan ang mga sangkot sa mga kaparehong insidente.

Kaya nga kaliwa’t-kanan na naman ang mga pahayag ng mga politiko na kumokondena sa nangyari lalo na’t umamin na ang may sala sa kanyang ginawa.

Nagawa pa niyang sisihin ang aso dahil daw kinagat siya nito. Akala ba niya nagbibigay ito ng tamang katwiran sa marahas na pagpatay niya sa kawawang si Killua?

Hindi lang mga tao ang nilalang sa mundo. Kagaya natin, may mga karapatan din ang mga hayop, at kagaya natin, kailangang isaalang-alang din natin ang kanilang kapakanan. Nasa isang lipunan tayo kung saan mayroong magandang samahan ang mga tao at mga hayop.

Kung tutuusin, mas lalo pa nga yatang lumaganap ang magandang nagagawa ng mga alagang hayop sa atin. Habang tumatagal, mas dumarami rin ang mga kakilala nating mayroong mga alaga. Ultimo nga sa sarili nating mga pamilya at barkada, halos lahat mayroong mga alaga dahil talagang maganda ang naidudulot nila.

Sa kasalukuyang panahon, tinatrato na nga halos na para bang tao na rin ang mga alagang hayop at may ilan ngang nagsasabi na halos sumobra na dahil talaga namang parang mga bata dahil sa tindi ng pag-aaruga sa kanila. Kahit saan tayo pumunta, mapa-mall, mapa-restaurant, at pati mga resort ngayon pinapayagan na ang pagsasama ng mga alagang hayop. Patunay ito na pwede tayong magkaroon ng maayos na lipunan kung saan hindi dapat nagiging marahas sa kanila.

Nandyan na tayo sa katotohanang kagaya ng tao, hindi naman lahat ng alagang hayop ay masisiguro mong hindi makakasakit, o magagalit, o magwawala. Pero hindi naman buhay ang dapat maging kapalit nito.

Hindi mo naman kailangan maging mahilig sa hayop para maging maayos na tao.

Mayroon naman tayong batas para sa mga hayop na nagbabawal sa pananakit, pag-torture at pagpatay sa mga aso. Pero alam naman natin na laganap pa rin ang gawaing ito. Ang ilan nga, kinakain pa ang mga ito. Marahil, masyado kasing maluwag ang parusa ng pagsuway sa batas, o baka naman talagang mayroon lang talagang mga taong walang pakundangan kaya sila ang dapat parusahan.

Ang masakit na insidenteng ito ang nagmulat sa marami sa reyalidad na maraming sumusuway sa batas, at may mga tao talagang pakiramdam nila na mas mataas ang kanilang uri sa mga hayop. Pero ang tunay na mataas na uri, dapat gumamit muna ng utak at puso bago gumawa ng karahasan.

Matapos nga ang pagkalat nitong insidenteng ito, isinulong ni Senator Grace Poe ang pagsusulong ng batas na Revised Animal Welfare Act na magsasama sa kurikulum ng elementarya at high school ng animal welfare education.

Layunin rin nito na amyendahan ang batas para mas maprotektahan sa lahat ng uri ng pang-aabuso ang mga hayop.

Kaya magandang maging ganap na batas ito dahil kailangan talaga nating ipaunawa at sanayin ang mga miyembro ng lipunan na kung nanawagan tayo na maging makatao, dapat ay isinasabuhay rin natin ang pagiging maka-hayop.

75

Related posts

Leave a Comment