MGA MANLOLOKO NG PINOY SA UAE AY PINOY RIN

RAPIDO Ni PATRICK TULFO

NAGLIPANA pala sa United Arab Emirates ang mga manloloko o scammer sa mga OFW natin doon. Pero ang nakalulungkot, mismong mga kababayan din natin ang mga scammer.

Ayon sa isang kababayan nating OFW sa Dubai, UAE, na itago na lang natin sa pangalang “SAM”, naglipana na raw sa naturang bansa ang mga manloloko o scammers na Pinoy pa man din at Pinoy rin ang binibiktima. Si Sam ay isa sa daan-daang overseas Filipino workers na ­nabiktima ng cargo consolidators na nag-abandona ng ipinadala nilang balikbayan boxes dito sa bansa, na natulungan ­nating makuha sa tulong na rin ng Bureau of Customs at Door-to-Door Consolidators Association of the Philippines o DDCAP.

Pero ayon kay Sam, ­matapos ang problema niya sa ­balikbayan boxes ay naloko na naman siya ng isang ­kababayan nating ­negosyante matapos siyang alukin ng ­trabaho nito. Sinabi nito na matapos ang ilang buwan ng pagtatrabaho sa negosyante ay isang beses lang siyang naswelduhan at pagkatapos ay tinakbuhan na. Kasama raw sa usapan nila ang renewal ng kanyang “working visa” na malapit nang mapaso bago pa siya kinuha nito. ­Problemado ngayon ang kawawang OFW kung paano siya babalik sa bansa dahil hindi nga ­tumupad sa kanilang ­usapan ang ­kanyang employer na hindi na mahagilap pa. Nais ko ring ianunsyo sa mga ­kababayan nating mga OFW sa United Arab Emirates (UAE), na ­aming natulungan sa pamamagitan ng aming ­programang Rapido ni Patrick Tulfo na napakikinggan sa DZME 1530 khz, na hindi na matutuloy ang plano naming magbukas ng cargo forwarding business na magsisimula sana ang operasyon ngayong taon.

Ang pangalan ng cargo business ay “RAPIDO CARGO” at ang layunin sana namin ay makapagbigay ng serbisyong maasahan sa presyong tama lang sa mga kababayan nating na-trauma sa naging karanasan nila sa ibang cargo firms na nag-abandona ng kanilang mga padala.

Kung natuloy sana ang launching ng naturang negosyo, magtutungo sana ako doon upang personal na pasinayaan ang aming opisina. Mayroon din sanang “meet and greet” na magaganap kung saan ay kikitain ko ang mga OFW na ating natulungan.

Kasama rin sana sa aking “itinerary” ang pagpunta sa ating embahada upang pag-usapan ang mga problemang kinakaharap ng ating mga kababayan na may kinalaman sa kanilang pananatili at pagtatrabaho doon.

83

Related posts

Leave a Comment