MGA MANLOLOKO SA UAE, KARAMIHAN KAPWA PINOY DIN (PART 2)

RAPIDO NI TULFO

NAPAKARAMI naming natatanggap na reklamo mula sa mga kababayan nating OFW sa United Arab Emirates.

Hindi lang reklamo sa cargo kundi mga naloko sa pera ng mismong mga kababayan natin.

Isa na dito ang isang kababayan nating nagpakilalang ahente ng kilalang bakasyunan sa UAE na ang pangalan ay “Disyerto”. Isang grupo ng mga OFW ang umano’y nakuhanan nya ng nasa 8,000AED o P120,000 para sa 2 nights stay sa nasabing bakasyunan nuong bisperas ng Bagong Taon ng 2023.

Ayon sa grupo ng mga OFW, 3 pamilya silang nagpatak-patak para makapagbakasyon sa napakagandang farm house. Pero noong papunta na sila sa nasabing bakasyunan ay sinabi ng ahenteng nagngangalang “Eileen” na baha umano papunta sa lugar kaya’t mag-book na lamang sa ibang lugar at nangakong ire-refund ang mga OFW.

Makalipas ang ilang araw, nagbago na ang ihip ng hangin at ayaw na nitong Eileen na i-refund ang bayad ng mga OFW at mag-book na lang daw ulit sa ibang araw o holiday ang nasabing grupo ng OFW.

Nakipag-ugnayan ang Rapido Ni Patrick Tulfo sa isang Human Rights office sa Dubai upang tulungan ang mga OFW. Sakaling hindi pa rin makuha ng mga OFW ang kanilang pinaghirapang pera ay ilalapit na ito ng Rapido sa embahada ng Pilipinas sa Dubai matapos naming mapag-alaman na matagal na palang gawain nitong si “Eileen” ang mag-organize ng mga event pero walang natutuloy matapos makakuha umano ng pera sa mga OFW.

KUMALAT na rin sa mga OFW sa UAE ang plano naming magbukas ng Cargo company kasama ang negosyanteng nakabase sa UAE na si Fadeelah Marie Reyes o Ferly Marie Reyes bilang aming business partner.

Marami ang natuwa nang malaman ang aming planong ito, dahil ayon sa mga OFW, tiwala sila sa Rapido dahil tiyak na makararating ang kanilang mga bagahe. Pero nais naming ipahatid na hindi na ito matutuloy at wala kaming kaugnayan sa ano mang aktibidad nitong si Reyes.

Hindi niya maaaring gamitin ang trade name na Rapido dahil ito ay nakarehistro sa ilalim ng aking pangalan. Mayroon kaming nilulutong panibagong negosyo diyan at kung matutuloy, marami tayong matutulungang kababayan nating nagtatrabaho sa UAE.

391

Related posts

Leave a Comment