MGA TAKSIL ANG TOTOONG KALABAN NG BAYAN

DPA ni BERNARD TAGUINOD

“A nation can survive its fools, and even the ambitious. But it cannot survive treason within.”

Napapanahon ang quote na ito mula kay dating Ombudsman Conchita Carpio Morales hinggil sa kinahaharap nating problema sa West Philippine Sea (WPS) na inaagaw sa atin ni Xi Jinping ng China.

Napakaraming taksil sa ating bansa, kahit noong panahon ng Kastila hanggang sa panahon ng Philippine-American war, dahil maraming Pilipino sa mga panahong ito ang iniisip lang ang sarili at hindi ang bayan.

Kaya nga nagbitiw ng salita noon si General Antonio Luna ng “Negosyo o Kalayaan? Bayan o Sarili? Pumili ka! Mga kapatid, mayroon tayong mas malaking kaaway kaysa Amerika. Ang Ating Sarili.”

Nagbitiw rin ng salita si General Luna ng “Kalaban ang Kalaban, Kalaban ang Kakampi?” Nakakapagod!”

Ramdam natin ang frustrations na ito ni Gen. Luna sa panahong ito lalo, parang ganito rin sa usapin ng WPS na hindi lamang inaagaw ng China kundi sinisira kaya nanganganib ang food security ng Pilipinas ngayon.

May mga kababayan kasi tayong mas inuna ang interest ng China kaysa interest ng sambayanang Pilipino dahil siguro sa ego at ambisyon. Hindi na ako magbabanggit ng pangalan dahil alam ko mayroon na rin kayong mga ideya kung sino sila.

Wala tayong ebidensya na ibinenta na tayo sa China pero ang tingin ng mga tao ay naibenta na tayo dahil kung hindi ay ipinaglaban nila ang teritoryo sa WPS na isa sa pag-asa ng salinlahi para makawala sa lugmok na kalagayan ng ating bansa ngayon.

Nang payagan ang China na magsagawa ng exploration sa WPS, natuklasan nila ang mga lugar kung saan matatagpuan ang deposito ng langis at gaas na mas malaki kumpara sa oil at gas deposit sa United Arab Emirates.

Nalaman din nila kung saan ang mga lugar na sangkaterba at hindi nauubos ang isda kaya matapos ang exploration, agad nilang binakuran at inaangkin nang tuluyan ang ating teritoryo sa nasabing karagatan.

Hindi rin kumibo ang nagdaang mga lider ng bansa, pangulo man ‘yan, senador, congressman at miyembro ng Gabinete, kaya lalong naging abusado ang mga dayuhang ito sa ating teritoryo, maliban kay dating Pangulong Noynoy Aquino.

May mga lider din ngayon ang kilalang kaalyado ng China kaya nakabibingi ang katahimikan kapag ito ang napag-usapan, kaya ang tanong ng mga tao, isang uri rin ba ito ng treason o pagtataksil sa bayan?

Tungkulin ng lahat, lalo na ang halal na mga opisyales, na ipaglaban ang teritoryo ng Pilipinas pero kung wala silang ginagawang aksyon, hindi malayong maagaw ng China nang buong-buo ang WPS at kapag nangyari ‘yan lalong mawawalan ng pag-asa ang susunod na mga lahing kayumanggi na magkaroon ng maayos na ekonomiya at kalidad na pamumuhay sa sariling bayan!

304

Related posts

Leave a Comment