MOTIBO SA PAGPUTAK NG UFCC KADUDA-DUDA

PUNA ni JOEL O. AMONGO

BUTI pa ang manok kapag putak nang putak ay may itlog, may mapapala ang nag-aalaga sa kanya dahil sa itlog na ibibigay niya.

Ang presidente ng United Filipino Consumers and Commuters (UFCC) na si Rodolfo “RJ” Javellana ay putak nang putak, wala namang siyang naibibigay na pakinabangan sa taumbayan.

Na-PUNA natin na putak nang putak itong si Ginoong RJ laban sa pagsasanib ng pwersa ng tatlong pangunahing kumpanya sa bansa sa usapin ng enerhiya.

Ang tinutukoy po natin ay ang pagsasanib ng San Miguel Global Power Holdings Corp., Meralco PowerGen Corporation, at Aboitiz Power Corporation na hahawak ng Liquified Natural Gas (LNG) sa Batangas.

Pinararatangan ni RJ na magkakaroon daw ng monopolyo sa LNG sa ginawang pagsasama ng tatlong mga kumpanya. Nagsanib na nga magkakaroon pa ng monopolyo?

Binanggit din niya na nagkakahalaga ng $3 billion ang deal sa pagitan ng gobyerno at nang tatlong nabanggit na malalaking energy firms sa nasabing proyekto.

Hala! Alam na kung bakit siya putak nang putak. ‘Di kaya siya naglalaway sa malaking halaga ng proyekto?

Kabaliktaran din ang sinasabi nito na tataas daw ang singil ng kuryente sa pagsasanib ng tatlong energy firms dahil malaki raw ang gagastusin sa proyekto.

Samantala, tiniyak ng isa sa mga boss ng tatlong malalaking kumpanya, na bababa ang singil ng kuryente kapag nagsimula nang gumana ang proyektong ito.

Malaking pakinabang din sa mga Pilipino ang proyektong ito dahil marami ang mabibigyan ng trabaho dahil dito.

Sino ngayon ang dapat paniwalaan, si Javellana na walang naiambag sa ekonomiya ng bansa o ang tatlong big bosses ng energy firms na kasama ng gobyerno sa pagpapa-angat ng ekonomiya?

Natural lang na sina boss Ramon Ang, Manny Pangilinan at Aboitiz ang ka-deal ng gobyerno sa proyekto dahil sila ang may kakayanan na gawin ito.

May kakayanan ba si Javellana na gawin ang proyekto para siya ang maging ka-deal ng gobyerno?

Magaling si Ginoong Javellana sa pagtutol sa mga programa ng gobyerno, pero sa usapin na mabibigyan ng trabaho ang mamamayan ay wala siyang alam.

Maging ang taumbayan ay hindi kumbinsido sa kanyang mga ipinaglalaban, bakit kamo?

Nang pumasok siya minsan sa pulitika, sa 64 tumakbong senador, pang number 59 siya. Wala pa sa 1 porsyento ang bumoto sa kanya.

Kasama sa kanyang mga plataporma sa pagtakbo niyang senador, ay ang mga pag-PUNA niya sa mga proyekto ng pamahalaan at mga pribadong kumpanya.

Nagpapakita lamang iyan na hindi siya gusto ng taumbayan na maluklok sa Senado at hindi pumasa sa panlasa ng masa ang kanyang mga sinasabi o ipinaglalaban.

Kung ano-ano rin ang kanyang sinasabi laban sa Land Transportation Franchising and Regulatory (LTFRB) partikular ang usapin sa pamasahe sa pampublikong sasakyan, kapag ipinatatawag naman siya ay hindi naman siya dumarating sa pagdinig.

Basta sa kanya ay makakontra lang, ano ba talaga ang gusto mo, kuya?

oOo

Para sa suhestiyon at sumbong, mag-email sa joel2amongo@yahoo.com.

55

Related posts

Leave a Comment