MOVIE REVIEW SA SENADO

CLICKBAIT Ni JO BARLIZO

NOW SHOWING: Pinagpipiyestahan pa rin sa social media ang biglaang pagiging film critics ng ilang magigiting nating senador.

Kaugnay pa rin ito sa hirit ni Senador Robin Padilla na i-ban ang American film na “Plane” dahil nagpapakita raw ito ng masamang imahe ng Pilipinas.

Kinausap na rin ng tinaguriang “Bad Boy” ng Philippine movie, ang MTRCB para harangin ang pagpapalabas sa pelikula.

Kung aktibo kayo sa social media, mapapansin n’yo na halos lahat ay hindi pabor sa opinyon ni Padilla. Bakit nga naman kasi kailangan pagbuhusan nila ng oras at panahon ang isang pelikula na kathang-isip lang.

Ang matindi pa riyan, sinuportahan ng mismong Senate president ang pagdadabog ni Robin.

Pero sa ginagawa nila lalong nagka-interes ang publiko na panoorin ang pelikula. Subukan nyo’ng tumingin sa mga nagtitinda ng DVD sa bangketa at tiyak meron na ‘yan. Marami pa ring ‘pirata’ ngayon kahit napakarami nang streaming media platforms.

Marami na ring link na pinagpapasa-pasahan sa mga group chat ngayon kung saan mapapanood ang pelikula. So sino ang nakikinabang sa pag-iingay ni Padilla?

Ang bida sa pelikula ay ang Scottish actor na si Gerard Butler na siya ring bida sa action thriller na Fallen series.

Una sa serye ang Olympus Has Fallen kung saan inatake ng North Koreans ang mismong White House. Kung seseryosohin ang pelikula gaya ng pagtrato ni Padilla sa Plane, nakaiinsulto ito sa mga Amerikano dahil sa kabila ng pagmamalaki nila bilang makapangyarihan at advance country, nagawang makapasok ng Korean warplane sa kanilang air space nang hindi nila agad na-detect. Bago napabagsak ay pumatay muna ng katakot-takot ang warplane habang sa ibaba, unti-unting napasok ng mga Koreano ang White House.

Ipinakita rin doon na walang nagawa ang pwersang Amerikano. Naubos ang mga Secret Service agent maliban kay Mike Banning na siyang nagligtas sa POTUS.

Sa London Has Fallen naman, inatake rin ng mga terorista ang London. Ang kwento ay bumisita ang mga miyembro ng G7 sa London para makiramay sa pagkamatay ng British Prime Minister. Hindi rin naprotektahan ng gobyerno ng Britanya ang mga lider ng itinuturing na world’s advanced economies. Maliban kay Benjamin Asher na sa ikalawang pagkakataon ay iniligtas ni Mike Banning.

Hindi ngayon maubos maisip ng publiko kung bakit ganun ang reaksyon ng ilan nating senador. Tipikal na action thriller ang Plane, kwento ng good guys vs. bad guys na nagpapakita ng katapangan at kabayanihan ng bida at kanyang mga kasama sa trahedyang kinasapitan nila, hindi ang pagtalakay sa lugar kung saan sila naroroon. Kaya nga PLANE ang titulo at hindi PLACE.

Parang bata na nag-aalburoto si Padilla na sinang-ayunan naman ni Senate President Miguel Zubiri na may pelikula rin palang gustong ipa-ban dahil dinudungisan naman daw ang imahe ni Hesukristo.

Nakisali rin si Senador Bato dela Rosa na nagbigay pa ng kanyang manifestation. Pinanood daw niya ang PLANE at nasuklam siya dahil wala raw ganung lugar sa Davao tulad ng inilalarawan sa pelikula.

Bandang huli, banggit ng senador na masaya siya ng konti kasi nakita nila na ‘yun “mga ELCAC roads na ginawa sa Mindanao ay pwede palang malandingan ng commercial plane at pwede pang mag-take off”. ‘Yun daw ang positive point niya.

Hindi sa binabasag ko si G. Bato pero sa Puerto Rico kinunan ang pelikula at hindi sa alinmang parte ng Pilipinas kaya kung kapuri-puri man sa kanya ang nakitang lugar, hindi po ‘yan atin. Maisingit lang talaga ang ELCAC.

Napakaraming mahahalagang usapin ngayon na dapat tinatalakay sa Senado pero binibigyang pansin n’yo ang pelikula na dapat sana’y trabaho ng MTRCB. Unless, tingin n’yo mga walang kakayahan at hindi epektibo ang mga taong inilagay sa ahensya na ‘yan.

Hindi kaya tama ang obserbasyon ng mga netizen na ibinabaling sa iba ang atensyon ng publiko para makalimutan ang isyu sa smuggling?

Kahit ang Makabayan bloc sa Kamara ay nagduda rin na itiniklop ng Ways and Means Committee ang kanilang imbestigasyon para iiwas ang isa sa mga pinangalanang umano’y smuggler na si Michael Ma.

Sabi ni House Deputy Minority Leader France Castro, posibleng may katotohanan ang rebelasyon ni Mon Tulfo na si Martin Araneta na kapatid ni First Lady Liza ay business partner ni Ma.

Isa pang nakapagtataka ang pananahimik ng Palasyo. Bakit hindi ito nagsasalita kaugnay sa isyung kumakaladkad sa magkapatid na Araneta?

COMING SOON: Anong pasabog ang bibitiwan ni Atty. Glenn Chong?

Si Chong ay kabilang sa mga kilalang supporter ni BBM pero kamakailan nag-post ito sa kanyang FB page ng cryptic message patungkol kay Roger Piñate, presidente ng Smartmatic.

Gamit ang poster ng I Know What You Did Last Summer (1997 American Horror film).

Ang dating sa netizens ng post ni Chong, patungkol ito sa nangyari noong Eleksyon 2022. Kumalas na rin ba si Chong sa kampo ni BBM?… Abangan.

145

Related posts

Leave a Comment