MRB II CONSTRUCTION CORP. DAPAT MANAGOT

KAALAMAN Ni Mike Rosario

HINDI dapat palagpasin at kailangan managot ang may-ari at mga opisyal ng MRB II Construction Corporation sa nangyaring pagkamatay ng isa at ikinasugat ng tatlo pang katao sa aksidente sa construction site sa loob ng compound ng Quezon City Hall kamakailan.

Nakarating sa KAALAMAN na dakong alas-10 ng gabi noong nakaraang Huwebes ay may nangyaring aksidente sa Civic Center B Building sa loob ng compound ng QC Hall, at apat na manggagawa ng MRB II Construction Corporation ang isinugod sa East Avenue Medical Center sa East Avenue, Quezon City para malapatan ng kaukulang lunas.

Sa inisyal na imbestigasyon, lumalabas na isang parte ng gusali ang bumagsak habang nagsasagawa ng demolisyon ang mga manggagawa sa lugar.

Nakatakdang gibain pa lamang ang pader ng gusali subalit bumagsak ito habang tinatanggal ang ilang bahagi nito hanggang bumagsak ang malaking parte nito.

Kaya hayun, isa ang patay, tatlo ang nasugatan sa mga manggagawa.

Bakit nangyari ‘yan? May mga engineer naman ‘yan ‘di ba? Alam ng mga engineer kung paano nilang gigibain ang bawat gusali nang walang masasaktan.

O baka naman puro mga manggagawa lang ang nandoon habang ginigiba ang gusali?
Nag-utos na si QC Mayor Joy Belmonte na imbestigahan ang aksidente na ikinamatay ng isa at ikinasugat ng tatlo pa.

Ayon kay Mayor Joy, inatasan niya si City Engineer Atty. Dale Perral na pangunahan ang imbestigasyon at tingnan kung may dapat managot sa insidente.

Hala! Lagot ang MRB II Construction Corporation, may paglalagyan kayo kay Mayor Joy.

Ayon sa paliwanag ni Engr. Atty. Perral, ang ginigibang pader ay parte ng architectural wall at hindi nakaapekto sa structural integrity ng buong gusali.

“Rest assured that the Civic Center B is still structurally sound and safe for use. Just the same, we will ensure that the construction site, especially the ground floor, will be cordoned off and safe for passersby and city hall employees,” dagdag pa niya.

Aniya, naka-focus ang kanilang imbestigasyon sa contractor’s compliance to occupational, safety and health standard.

Ipagpapatuloy raw ang construction ng gusali subalit kailangan lamang magkaroon ng karagdagang safety measures na ilalagay sa lugar.

Tiniyak naman ni Mayor Joy na bibigyan ng tulong pinansiyal ang pamilya ng namatay at medical assistance naman sa tatlo pang nasaktan.

380

Related posts

Leave a Comment