MUKHANG MAY RUMAKET LANG

DPA ni Bernard Taguinod

HINDI mo maiiwasang isipin na may rumaket o may pinaraket sa rebranding sa Department of Tourism (DOT) at Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) dahil wala namang talagang dahilan para ayusin ang isang bagay na hindi naman sira.

Ang masama lang, mukhang hinahayaan lang ito ng karamihan sa mga politiko lalo na ang mga nasa Kongreso, kaya namimihasa ang marami at tuloy lang ang ligaya nila dahil may tutukod naman sa kanila na kaalyado ng kanilang mga amo.

Itong DOT, maraming impormasyon ang kumakalat na mga taong malapit sa mag-asawang Marcos ang may pakana sa bagong logo at video presentation na ang mga ginamit na materyal ay mula sa mga stock footage ng ibang bansa at may presyong P49 million. Mukhang iniwasang gawing P50 milyon para iwas plunder kapag nagkabukuhan.

Mukhang protektado ang mga taong nasa likod ng palpak na video presentation at maging ang logo na imbes na totoong litrato ang ginamit ay ginamitan ito ng pixel na ang hirap hulaan kung ano ang nirerepresenta ng mga digital na larawan.

Palagay ko, hindi magkakaroon ng imbestigasyon d’yan ang Kongreso dahil dikit ang taong pinagsususpetsahang may pakana sa palpak na video presentation at saka na lang uuriratin ‘yan pagdating sa budget hearing ng DOT sa Kongreso, na hindi naman intense kumpara sa committee hearing.

Ito namang logo ng PAGCOR, mukhang may pinagkopyahan lang at parang logo lang ng isang gasolinahan pero ang halaga ay P3 million? Ang suwerte naman ng kontratista na kinuha nila para sa logo na ‘yan na ang sakit sa mata at hindi kaaya-aya.

Sa pribadong sektor, kapag nagre-rebranding ang isang kumpanya ay tinitiyak nila na mas maganda ang bagong logong gagamitin kaysa dun sa papalitan pero sa PAGCOR, mas maganda ang ang luma kumpara sa bago kaya hindi katanggap-tanggap na binayaran ito ng P3 million.

Sana nagpakontes na lang ang PAGCOR para sa bagong logo dahil tiyak na maraming sasali lalo na’t P3 milyon ang ibabayad sa mapipiling logo at nakatulong pa sa mga tao dahil ang daming Pilipino ang magagaling kaysa gumawa ng logo na ‘yan.

Pero ang nakasasama sa loob, may mga politiko ang hinahayaan na lang ang ganitong mga kapalpakan sa mga ahensya kaya walang nangyayari sa atin eh. ‘Yung inaasahan mong pupuna dahil siya ang chairman ng komite na may hurisdiksyon sa turismo, sasabihin niya na “the show must go on”.

Palpak na nga at nakahihiya pa sa mga pinagkopyahang bansa ng mga footage, ay parang sinasabi sa atin na ituloy n’yo na lang kasi nandyan na eh.

Kahit ang mga oposisyon, maliban sa mga militanteng mambabatas, ay nakabibingi ang katahimikan. Mukhang takot na takot silang magsalita sa isang palpak na bagay gayung ang trabaho nila sa pagiging miyembro ng minorya ay punahin ang mali at suportahan ang tama.

Iniisip tuloy ng mga tiwali sa gobyerno na OK lang na palpak sila dahil mas marami ang kakampi nila sa Kongreso at kung iimbestigahan man sila eh marami ang tutukod sa kanila. Lord, Kayo na po ang bahala.

125

Related posts

Leave a Comment