CLICKBAIT ni JO BARLIZO
ABA, kasinggulo na ng trapiko sa bansa ang pabago-bagong takbo para sa gabay at polisiya sa paggamit ng EDSA busway.
Umangkas na rin ang Management Association of the Philippines (MAP) sa behikulong siksik na sa mga taong kontra sa desisyon ng Metro Manila Development Authority (MMDA) na payagan ang mga sasakyang convoy ng limang pinakamatataas na opisyal ng pamahalaan na gamitin ang daang nakalaan sa mga pampublikong bus sa EDSA.
Alinsunod sa Department of Transportation, ang mga sasakyang awtorisadong dumaan at gumamit ng EDSA Busway ay ang: mga pampasaherong bus na pinapayagang mag-operate sa EDSA Busway route, ambulansya, fire trucks, sasakyan ng Philippine National Police, service vehicles para sa EDSA Busway Project (construction, security, janitorial, maintenance services).
Ang limang pinakamataas na opisyal na idinagdag ay ang Presidente, Bise Presidente, Senate President, Speaker of the House of Representatives at Supreme Court Chief Justice.
Lima lang ha?
Ipinagbabawal ang pagdaan at paggamit ng mga hindi awtorisadong sasakyan, kabilang ang government-marked vehicles at red plate vehicles, sa EDSA Busway.
Teka, kanino ‘yung sasakyan na ginamit ng dalawang driver na ginamit ang pangalan ng isang senador para makadaan sa EDSA busway?
Natunton na ang dalawang driver, na umaming hindi nakasakay ang senador, at hindi rin daw pag-aari ng senador ang behikulo.
Kung ganun, kanino ang sasakyan? Sapat na ang inisyu ng MMDA na traffic violation tickets sa dalawang drivers dahil sa ilegal na paggamit ng bus lane?
Bagong patakaran ang ginawang tugon.
Naalala ko tuloy ang misteryosong VIP na namerwisyo sa Commonwealth Ave., Quezon City kamakailan.
Tuluyan nang nanahimik ang mga awtoridad sa nasabing usapin. Hindi na natukoy kung sino ang VIP. Ganun ka-powerful ang VIP na ‘yan dahil tumikom ang bibig ng lahat para lang hindi malantad ang kanyang pagkakakilanlan.
Tama ang MAP. Ang hakbang ng MMDA ay hindi dapat gawing polisiya dahil salungat ito sa busway standards na kinokonsidera para sa mabisang sistema ng transportasyon.
Inilaan ang busway sa mga bus bilang solusyon sa magulo at hindi epektibong serbisyo na nakapipinsala sa mga komyuter.
Ang bagong polisiya sa paggamit ng EDSA busway ay nagbibigay lang ng higit na pribilehiyo sa mga kamahalan.
Hayaan ito sa pinaglaanan. Dapat maranasan ng matataas na opisyal ng pamahalaan ang kalagayan ng publiko na naiipit sa mabigat na trapiko nang mapukaw na ang damdamin ng mga ito para sa ikauunlad ng pampublikong transportasyon.
Opisyal o ordinaryong tao ay parehas lang na 24 oras ang isang araw.
Nasa mga opisyal na ang kaluwagan kaya kung nais nilang makarating sa pupuntahang okasyon sa tamang oras ay agahan nila ang paggayak at biyahe.
Ang mga manggagawa nga, hindi pa tumitilaok ang manok ay bumibiyahe na para hindi mahuli sa trabaho at makaiwas sa kaltas sa sweldo.
Hayaan nating maranasan ng mga opisyal ang trapiko para mapukaw ang mga ito na ayusin ang buhol-buhol na problema.
Danasin din sana ng mga may poder ang nararanasan ng ordinaryong mamamayan.
Talagang gusto ng mga opisyal na dumaan sa bus lane?
Iwanan nila ang mamahalin nilang sasakyan at mag-commute.
Ganun lang yan! Ang dami nang pribilehiyo ay ipasasakop pa ang busway.
154