NAIS NILANG MAMAMAYAN ANG MAGPONDO SA MGA POLITICAL PARTY

KAKAMPI MO ANG BAYAN FINAL

Nakahain ngayon sa Kamara de Representante ang Strengthening of the Political Party and Appropriating Funds Thereof Bill o House Bill 697. Ito ay inihain ni House Speaker Gloria Macapagal Arroyo.

Tila maganda ang tunog ng pamagat ng panukala, hindi ba? At sa nilalaman nito ay may mga positibong probisyon, tulad ng anti-turncoatism o paglilipat-lipat sa mga partido, transparency, at ang pagpapaunlad ng party politics (politika batay sa partidong sinalihan.) Tunay naman na mahalaga ang mga bagay na ito para sa pag-unlad ng politika at demokrasya.

Ngunit, kung susuriin ng masusi ang panukala, may mga probisyon na nakababahala. Nakasaad sa HB 697 na pera ng bayan ang gagamitin upang pondohan ang mga partidong ito, na dinodominahan ng malalaki at mayayamang partido.

Sa tingin ng Bayan Muna, habang mahalaga ang pagpapatibay sa prinsipyadong pagbubuo ng partido politikal, ang panukalang ito ay hindi pakikinabangan ng mahihirap na mamamayan. Bawat eleksyon, nasasaksihan ng mga Filipino kung gaano karaming pera ang kayang sunugin ng mga politiko sa pangangampanya. Mula sa ads sa TV, billboard sa Edsa, at minsan ay mga parada at float ng kandidato, hindi sila ang nangangailangan ng pondo ng bayan.

Nais ba natin na lalong ibaon ang pundasyon at kapit ng mga partidong sila-sila na lamang? Mga apelyido na ulit-ulit na nakikita sa balota, mula sa ama hanggang sa apo?

Sa kabilang bahagi, may mga maliliit at prinsipyadong mga partido, tulad ng Makabayang Koalisyon ng Mamamayan o Makabayan. Ang mga miyembro nito ay mga ordinaryong mamamayan–makabayang magsasaka, manggagawa, abogado, guro, katutubo, kabataan, kababaihan, health workers, at iba pa na hindi galing sa mga political clans o mayayaman o maimpluwensiyang pamilya. Isinusulong nito ang interes ng ordinaryong mamamayan na nagnanais ng tunay na demokrasya at kalayaan. (KAKAMPI MO ANG BAYAN / CARLOS ISAGANI ZARATE)

 

304

Related posts

Leave a Comment