NAKAKA-MISS ANG ‘BAKBAKAN’ SA KONGRESO

DPA ni BERNARD TAGUINOD

HINDI ko masisisi ang mga tao na ayaw sa unicameral system of legislation dahil hindi ginagawa ng mga kongresista ang kanilang tungkulin bilang mambabatas tulad ng pagbusisi sa mga anomalya sa national government.

Kung mag-iimbestiga man sila ay pagdududahan mong may halong pulitika dahil ginagamit ang institusyon ng mga talunan sa local election at ang tatapang nila kapag local officials at ordinaryong government agency officials ang kaharap nila pero pagdating sa matataas na mga opisyal ay tiklop agad sila. Walang nagsasalita, maliban sa Makabayan bloc, as in tahimik at nalalason sila sa kanilang laway.

Sa ngayon ay tanging ang Senado na lang ang pag-asa ng taumbayan sa pagbusisi sa mga anomalya, maling paggamit sa pondo ng bayan at pang-aabuso sa kapangyarihan ng mga iniluklok sa kapangyarihan.

Pero sa Kamara na siyang nagsusulong dapat ng check and balance sa gobyerno ay mukhang may tinitingnan at may tinititigan dahil hindi lang sa committee level nagkakaroon ng katahimikan kundi maging sa plenaryo.

Nakaka-miss tuloy ‘yung mga dating congressman na nakikipagbakbakan sa committee level hanggang sa plenaryo ng Kamara lalo na kung alam nilang hindi tama ang ginagawa ng liderato ng kapulungan at kanilang mga kasamahan.

Wala na ang mga tulad ni dating Congressman Lito Atienza na laging kumukuwestiyon sa quorum dahil kapag nagro-roll call, ipinalalabas na 200 plus ang present na congressman pero ‘pag binilang mo ang mga nasa plenaryo ay wala pang isang daan.

Wala na rin ang mga tulad ni yumaong Congressman Buboy Syjuco na naranasang mapalayas sa plenaryo ng Kamara dahil hindi ito tumitigil sa pakikipaglaban sa liderato ng Kamara kapag nire-railroad ang pagpapatibay sa isang panukalang batas.

Hindi na rin magkakaroon ng isang Carlos Padilla (RIP) na minsang pinangunahan ang pagkandado sa plenaryo ng Kamara dahil hindi nila gusto ang mga pamamalakad sa kapulungan.

Sabi ng mga matatanda na nagtrabaho sa kapulungan noong bago-bago pa ang Kongreso, walang araw na hindi nagkakaroon ng debate sa plenaryo ng Kamara kaya ang requirement daw noon bago maging congressman ay dapat alam mo ang pinagsasabi mo at lagi kang handa at magaling ka dahil kung hindi ay mapapahiya ka lang.

Pero ngayon, bihira ka nang makarinig ng debate sa Kamara at sa 312 congressman ngayong 19th Congress, mabibilang mo lang sa mga daliri mo sa isang kamay mo ang nakikipagdebate dahil mukhang “approve without thinking” ang lahat sa isang panukala.

Kaya huwag na kayong magtaka kung maraming batas ang palpak kapag ipinatupad na dahil hindi ito binubusisi nang husto ng mga mambabatas noong nasa committee level hanggang sa plenaryo pa lamang.

Pero ang nakasasama ng loob, mukhang naging kasapakat pa ng mga congressman ang mga opisyales ng gobyerno para hindi kayang ipaliwanag kung papaano ginastos ang pera ng bayan na buwis ng mamamayan.

246

Related posts

Leave a Comment