WILFREDO GONZALES ‘DI NA TINATANTANAN NG KARMA?

KAALAMAN ni MIKE ROSARIO

ITINUTURING ngayon ng ilan na “karma” na ang inaabot ng dating pulis na nambatok at nagkasa ng baril sa siklista sa Quezon City kamakailan.

Ang sinasabing karma kay Wilfredo Gonzales na dating pulis, ay ipinasasauli sa kanya ang retirement pay nito sa kanyang pagiging miyembro dati ng pambansang pulisya.

Kinumpirma ni Senador Francis Tolentino na hindi pa rin ibinabalik ni Gonzales ang kanyang retirement pay kahit na ipinasasauli na ito sa kanya.

Ayon kay Tolentino, may kautusan na ang Philippine National Police (PNP) kay Gonzales na ibalik nito ang kanyang retirement pay.

Malamang ay sinasadya ni Gonzales na hindi nito sundin ang utos sa kanya ng PNP.

Ngayon pa kaya sumunod ‘yang si Gonzales sa pamunuan ng PNP, noon ngang aktibo pa siyang awtoridad ay matigas na ulo niyan at may sarili siyang mundo.

Bakit? Kasi kung sumusunod siya sa chain of command ng PNP, eh hindi sana siyang sinibak sa pwesto ng Office of the Ombudsman.

Paano pala kung hindi na isasauli ni Gonzales ang kanyang retirement pay? Ano ngayon ang gagawin ng PNP?

May nagsabi pang dapat isinailalim si Gonzales sa psychological test bago siya isyuhan ng bagong lisensiya.

Dahil sa pangyayari ay inirekomenda ni Tolentino sa PNP na ipagpatuloy ang ebalwasyon sa mga pulis upang maiwasan ang mga hindi nararapat na aksyon ng mga dapat na tagaprotekta ng publiko.

Mayroon kasing mga tao na ‘pag nakahawak ng baril, pakiramdam nila ay sila na ang batas.

Kailangan natin maging responsableng gun owner dahil ang pagkakaroon ng lisensiya ng baril ay hindi karapatan kundi pribilehiyo lamang na ibinigay sa atin ng gobyerno.

Lalo na kung dati kang awtoridad na naging sibilyan, dapat maging mas maingat ka kasi dati kang naglingkod sa organisasyon na may motto: “To Serve and Protect.”

Pagsilbihan at protektahan ang taumbayan, hindi pagsamantalahan o takutin, ‘di ba Gonzales?

Kaya sabi tuloy ng nakausap ng KAALAMAN, nasundan aniya ng “karma” si Gonzales sa nangyayari sa kanya ngayon.

203

Related posts

Leave a Comment