NAKAKAIYAK ANG PRESYO

DPA Ni BERNARD TAGUINOD

KAPAG ikaw ang nakatokang mamalengke sa bahay niyo, ramdam na ramdam mo ang bigat ng presyo ng mga pagkain. Maiiyak ka dahil ang budget mo kokonti na lamang ang nabibili.

Kahit sa mga talipapa at wet and dry market, sobra na ang mahal ng mga bilihin lalo na ang mga gulay at karne kaya marami ­ngayon ang naghihigpit ng sinturon para mapagkasya lang ang kanilang budget sa araw-araw.

Kung dati ay puno na ang ecobag mo sa P2,000 budget mo, ngayon halos kalahati na lamang ang maikakarga mo sa sobrang mahal na ng presyo ng lahat ng uri ng mga bilihin sa mga palengke.

Mas mahal ang mga gulay sa mga grocery. Parang hindi makatarungan kaya maging ang mga middle class ay nagrereklamo na rin pero wala silang magawa dahil pataas nang pataas ang inflation rate o ang bilis ng pagsipa ng ­presyo ng pangunahing mga bilihin.

Maging ang mga tindera ay ramdam din ang krisis dahil marami silang kalakal ang hindi nabibili dahil nagtitipid ang mga tao kaya nabubulok na lamang na ikinalulugi nila.

May suki nga ako na hindi na nagtitinda dahil hindi na nila kayang bumili ng kalakal sa mga middleman at nabubulok lang kung makabili man sila dahil hindi kaya ng mga consumer ang presyo.

Dati-rati ay halos full tank na ang kotse mo sa halagang P2,000 pero ngayon ang full tank mo ay mahigit P4,000. Ibig sabihin, pababa nang pababa ang value ng pera natin habang tumatagal.

Ang piso noong 2018 ay 87 sentimos na lamang ang halaga ngayong 2022 ayon sa Philippine Statistic Authority (PSA) na indikasyon na nawawalan ng value ang pera natin dahil sa walang humpay na pagtaas ng presyo ng mga bilihin.

Walang ibang tinatamaan dito kundi ang mga mahihirap dahil kung dati ay naghihigpit sila (kami pala) ng sinturon para mapagkasya ang kakarampot nilang kita, papaano na lang ngayon.

Sabi nila, epekto raw ang sumisipang inflation rate ng giyera sa Ukraine na nagsimula noong Pebrero 24, 2022 pa dahil naging dahilan ito ng pagmahal pa lalo ng presyo ng mga produktong petrolyo.

Hindi lang sa Pilipinas tumataas ang presyo ng mga bilihin kundi sa iba’t ibang mga bansa sa mundo kasama na ang United States (US) na isinisisi sa giyera sa Ukraine.

Sa ibang bansa tulad ng Sri Lanka ay kabi-kabila ang kilos protesta ng mga tao dahil sa patuloy na pagsipa ng kanilang inflation rate at kawalan ng supply ng mga produktong petrolyo.

Sa ngayon ay ang Venezuela na ang may pinakamataas na inflation rate na umabot sa 1198.0% na sinundan ng Sudan — 340.0%, Lebanon — 201.0%; Syria — 139.0%; Suriname — 63.3%; Zimbabwe — 60.7%; Argentina — 51.2% at Turkey — 36.1%.

Sana huwag naman tayo umabot ng ganyang kataas ang inflation rate at tiwala naman ako na ­gagawan ng paraan ‘yan ng bagong administrasyon, na napabayaan ng economic managers ni Digong.

115

Related posts

Leave a Comment