NAKAKALAGLAG UPUAN NA PANUKALA

DPA Ni BERNARD TAGUINOD

MARAMI ang siguradong ­nalaglag sa kanilang upuan sa panukala nina Sens. Ronald “Bato” Dela Rosa at Robinhood Padilla na i-decriminalize ang paggamit ng ilegal na droga sa Pilipinas.

Napa-DIYOS KO NAMAN! ang mga tao sa ganitong klaseng panukala dahil kung nagkataon, pangalawa pa lang ang bansa sa buong mundo kasunod ng Portugal, ang magkakaroon ng batas na hindi parurusahan ang mga drug addict.

Bagama’t may mga bansa na legal na ang paggamit ng marijuana, ang basa ng mga tao sa panukala ni Bato na sinusugan naman ni Robinhood, maging ang paggamit ng shabu ay magiging legal na.

Walang ibang makikinabang sa ganitong klaseng panukala kundi ang mga drug lord dahil tiyak na pababahain na nila ng ilegal na droga ang mga kalye sa buong bansa at babalik na naman ang maliligayang araw ng mga adik.

Siguradong mauuso na naman ang snatching, hindi ka makapaglalakad sa kalsada dahil marami ang nakakalat na mga bangag sa ilegal na droga, ­mangungursunada at bigla na lang mananaksak.

Kahit pa sabihin nila na trial lang ito at isang taon lang at saka aamyendahan kung hindi ubra para ma-decongest ang mga kulungan, malaking kita ang iaakyat nito sa kaban ng mga drug lord at mga kasabwat nila.

Ilang daang bilyong piso ang maiaakyat sa kaban ng mga drug lord sa loob ng isang taon lang kung sakali? Baka sapat na ‘yan para makontrol nila ang mga politiko sa Pilipinas at mangyayari na ‘yung sinasabi dati ni Digong na may narco politicians na sa Pilipinas.

‘Yung sinasabi nila na tuloy pa rin ang kaso ng mga drug lord, pushers at manufacturer ng mga ilegal na droga, ay wala pa rin sa lugar dahil tuloy-tuloy pa rin ang operasyon ng mga ito kahit noong kasagsagan ng Oplan Tokhang na sinimulan ni Senator Bato noong siya ang hepe ng Philippine National Police (PNP).

Hindi ba sa kasagsagan ng war on drugs, may dumating na malalaking shipments ng ilegal na droga na nakalabas sa Bureau of Customs (BOC) tulad ng droga na idineliber sa isang warehouse sa Valenzuela City at ‘yung dinala sa Cavite?

Ang daming napatay sa war on drugs na ayon sa pagtataya ng human rights group, aabot ng mahigit 30,000 na karamihan ay mga user ang biktima, tapos nang wala na kayo sa puwesto, bigla na lang maisip niyo na gawing legal na ang paggamit ng ilegal na droga? Ano ‘yan?!

Ang daming problema ng bansa natin pero dagdag problema ang panukalang ito sa peace and order sakaling puwede nang gumamit ng ilegal na droga ang mga adik kahit saang lugar at ano mang oras.

Bakit hindi na lang pagtuunan nina Bato at Robinhood ang mga problemang pangsikmura ng sambayanang Filipino dahil sa patuloy na pagtaas ng presyo ng mga bilihin?

Tiyak na matutuwa ang mga tao lalo na kay Senator Bato, kapag binato niya ang mga smuggler ng mga produktong agrikultura at amyendahan ang Rice Tariffication Law na nagpalugmok sa amin na mga magsasaka.

Kapag ginawa niya ‘yan, siguro na ang kanyang reelection bid sa 2025 pero kapag ginawa niyang legal ang paggamit ng ilegal na droga, ang mga drug addict lang ang matutuwa sa kanya at siguradong first and last term na niya sa Senado.

37

Related posts

Leave a Comment