NAKAPASOK NA NGA

CLICKBAIT ni JO BARLIZO

HETO na ang sinasabi ng iba. Nagkabula na ang inaabangan ng karamihan.

Nasa Pilipinas na ang COVID-19 subvariant KP.2.

Kinumpirma ito ng Department of Health (DOH).

Ang KP.2 ay isa sa dalawang variants na kabilang sa “FLiRT” variants.

Natiktikan din ang ibang COVID-19 variants under monitoring (VUMs).

Ayon sa DOH, sa genome sequencing data ng University of the Philippines – Philippine Genome Center (UP-PGC) ipinakita na 30 kaso ng JN.1, dalawang kaso ng JN.1.8, at dalawang kaso ng KP.2 na ang naitala sa bansa.

Apat na variant umano ang kasalukuyang minamatyagan – ang JN.1.7, JN.1.18, KP.2, at KP.3 — na mga nagmula sa JN.1.

May pampakalmang pahayag naman ang DOH na wala pang ebidensya na ang FLiRT variants KP.2 ay KP.3 variants ay nagdudulot ng malalang COVID-19, sa lokal o internasyonal.

Sa madaling salita: low risk pa rin ang COVID-19.

Hindi ba dapat ikabahala ang ulat na ang average na bilang ng naitalang kaso kada araw noong Mayo 21-27 ay 319? Mataas ito ng 202 sa sinundang linggo ngunit mababa ng kalahati kumpara sa halos 500 kada araw sa simula ng taon.

Sa nai-report na mga bagong kaso, 22 ang nasa kritikal na kondisyon, habang 20 deaths ang naitala, kung saan 5 dito ay nangyari mula Mayo 14 hanggang 27.

Pero mabagal pa rin daw ang pagdami ng kaso ng COVID-19, na mild at manageable.

Sana nga, hindi na dumami dahil wala naman atang pondo para sa mga bakuna laban sa ‘FLiRT’ variants ng COVID-19.

Aasa nga raw muna sa donasyon ang DOH dahil walang nakalaang pondo ang gobyerno.

Sabi ko na nga ba, hihikayatin muna ang publiko na ituloy ang mga hakbang para makaiwas tulad ng tamang pagsuot ng facemask, madalas na paghugas ng kamay, umiwas sa mataong lugar at tiyakin ang magandang bentilasyon.

Teka, paano iiwasan ang mataong lugar kung sa pagbibigay ng ayuda ay kumpulan ang mga nag-aabang.

Hilig pa naman ng gobyernong mamudmod ng ayuda. Lalo na’t parating na naman ang eleksyon, asahan ang kaliwa’t kanang pamamahagi ng tulong ng mga politiko.

Isa pang pwedeng maging dahilan ng pagkukumpulan iyang bentahan ng bigas na malapit na raw maging P29 kada kilo.

Sabagay, hindi naman daw para sa lahat iyan kundi para sa pinakamahihirap na miyembro ng 4Ps.

Lakas naman mambasag ng balitang iyan. Hindi naman iyong mga miyembro lang ng 4Ps ang naghihirap, bakit hindi gawin ng gobyernong abot-kaya ng lahat ang presyo ng mga bilihin?

34

Related posts

Leave a Comment