USAD-PAGONG ANG DMW SA ISYU NG BALIKBAYAN BOXES

RAPIDO NI PATRICK TULFO

BAKIT kaya hindi pagtuunan ng pansin ng Department of Migrant Workers (DMW) ang problema sa balikbayan boxes na inilapit sa amin ng daan-daan nating mga kababayang OFWs na nagtatrabaho sa UAE at Kuwait.

Sa huling pagpunta namin sa tanggapan ng naturang ahensya, na ang mandato ay pangalagaan ang kapakanan ng overseas Filipino workers (OFWs), binanggit ng mga nakausap naming mga opisyal na sina Dir. Jun Aguilar at Dir. Macavinta, na may binalangkas na silang mga patakaran ukol sa problemang ito.

Ang tanong, bakit ngayon lang? Ilang taon na rin matapos na una naming hawakan ang mga reklamo laban sa abandonadong balikbayan boxes sa Bureau of Customs.

Si Sec. Toots Ople pa ang kalihim ng DMW noon at nangako ito na agad na aaksyunan ang problemang ito. At kung kilala ninyo si Sec. Ople ay talaga namang umaaksyon ito kapag ang problema ay may kinalaman sa OFWs. Ngunit sa kasamaang palad ay pumanaw na ang kalihim sa sakit na canser nito lang nakaraang taon.

Ang pumalit sa kanyang pwesto ay ang dating OWWA Director Hans Cacdac na muling iniluklok sa pwesto ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., matapos na ma-bypass ito ng Commission on Appointments.

Alam natin na maraming problema ang kinakaharap ng tanggapan ng DMW. Pero dapat pinagtutuunan din nila ng pansin ang problema sa balikbayan boxes.

Dahil dugo at pawis ang puhunan ng ating kababayang OFWs para mapuno ang mga ito. At hindi nila matanggap na walang magawa ang gobyerno sa kanilang mga hinaing ukol dito.

Sana bilisan ng DMW, pati na ang iba pang mga ahensya ng pamahalaan, tulad ng Bureau of Customs, sa paglalatag ng pangmatagalang solusyon sa problemang ito.

64

Related posts

Leave a Comment