NAPAPANAHONG PANUKALA

OPEN LINE Ni BOBBY RICOHERMOSO

HINDI lingid sa kaalaman ng maraming Pilipino na binuo ang 1987 Constitution na naka­angkla sa paniniwala na hindi na kailanman kailangang sumailalim sa ano mang uri ng diktadurya ang bansang Pilipinas.

Dangan kasi, binuo ito ilang buwan pa lang matapos na iligal na agawin ng mga dilawan kasama ang mga kakampi nilang mga komunista, ang kapangyarihan kay dating Pangulong Ferdinand Marcos noong 1986.

Dahil mahigit 20 taon din na naluklok sa kapangyarihan si FM ay talagang nakadisenyo ang 1987 Constitution para sirain ang ano mang mga bagay at sistema na may kaugnayan sa kanya.

Kaya naman isa sa naging resulta nito ay ang pagtatakda ng isang anim na taong termino lamang para sa kung sino man ang maihahalal na pangulo.

Pero may kasabihan nga na ang anim na taon ay napakaiksi para sa panunungkulan ng isang mahusay na pangulo pero napakahaba naman kung bobo at korap ang isang presidente.

At para masolusyonan ang sitwasyong ito ay naisip ni Pampanga Rep. Aurelio “Dong” Gonzales Jr. (3rd District) na maghain ng resolution para amyendahan ang Saligang Batas kaugnay ng termino ng mga pangulo at pangalawang pangulo.

Ang kanyang panukala ay gawing block voting ang pagha­halal sa pangulo at kanyang bise na maaaring magsilbi ng dalawang tig-lilimang taong termino.

Inaasahan natin na tiyak na aani ng pagsalungat at kritisismo ang panukala ni Gonzales lalo na sa mga dilawan na tiyak na pagbibintangan si BBM na siyang may pakana sa planong charter change.

Subalit para sa akin ay may katuwiran at napapanahon ang panukalang ito ni Gonzales, lalo na sa usapin ng kakayahan ng pangulo at bise na mamuno.

Dahil kasi sa panukalang ito ni Gonzales ay mabibigyan pa ng pagkakataon ang isang mahusay na pinuno na maipagpatuloy at tapusin ang kanyang nasimulang mga programa at proyekto para sa mamamayan.

Pero kung palpak naman at bopols ang isang lider ay may pagkakataon ang taumbayan na sibakin na siya agad na hindi na kailangan pang maghintay ng anim na taon.

Base sa panukala ni Gonzales, dapat mag-convene bilang constituent assembly ang dalawang kapulungan ng Kamara at Senado para mas mabilis na maamyendahan ang Konstitusyon.

“It is hereby proposed that the term of office of the President shall be five years with a re-election to another five-year term, a maximum of a ten-year term. Thereafter, the President shall be prohibited to be a candidate of any elective post,” sabi niya.

Sa tingin ko ay dapat pag-isipan at bigyang pansin ang panukalang ito dahil isa rin sa mga bentahe nito ay mapalalakas ang party system sa bansa.

Dahil sa panukala obligado na ngayong magtulungan ang mga magkakapartidong kandidato at maiiwasan na rin ang pagiging ­balimbing katulad ng nangyari noong nakaraang halalan.

Sampalataya tayo sa galing ng ating mga mambabatas kaya naman marahil ay maaari nilang pag-aralan ang panukalang ito ni Gonzales at tuluyang trabahuhin para maging ganap na batas.

72

Related posts

Leave a Comment