HUWAG SOBRANG KUMPIYANSA

KUNG pagbabatayan ang pag-amin ng Department of Health (DOH), muling nagbabadya ang bangungot na dala ng lintek na pandemya.

Sa nakalipas na mga linggo, 91% ng 81 lalawigan sa bansa ay kinakikitaan ng mabilis na pagdami ng kumpirmadong mga kaso ng nakamamatay na ­COVID-19.

Ang nakalulungkot, tila maaantala na naman ang isinusulong na pagbangon ng bansang inilugmok ng tigil-operasyon ng mga negosyong nagsisimula pa lang makabawi sa dagok ng pandemya.

Sa National Capital Region (NCR), sumampa sa 9.3% ang positivity rate. Kapansin-pansin ang mabilis na hawaan sa rehiyon kung saan pinakamarami ang kumpleto (1st at 2nd dose) ang bakuna.

Ang dahilan – hindi nagawang kumbinsihin ng nakaraang administrasyon ang publiko na magpaturok ng booster shots na ayon mismo sa mga dalubhasa sa siyensya at medisina ay nagbibigay ng dagdag proteksyon laban sa Omicron subvariants na laganap sa buong bansa.

Sa resulta ng mga pag-aaral ng World Health Organization (WHO), walang kinikilalang bakuna ang Omicron subvariants – maging ang mga bakunado, posibleng tamaan. At kung mayroon mang bentahe ang mga naturukan ng dagdag-proteksyon, ‘yun ay ang katiyakang hindi mauuwi sa “severe case” ang kanilang estado.

Gayunpaman, may panahon pa naman ang DOH na ituwid ang mga kapalpakan ng mga piloto ng departamentong ang mandato’y tiyakin ang kaligtasan at kalusugan ng mga Pilipino – o ‘di naman kaya’y sundan na lamang ang ehemplo ng ilang Local ­Government Units (LGUs) na pinili na lamang mag­bahay-bahay sa hangaring tiyaking protektado ang kanilang nasasakupan.

Higit pa sa proteksyong dala ng booster shots, kailangan din marahil muling maghigpit ang pamahalaan sa paggalaw ng mga tao. Ang mga wala namang dahilan para lumabas ng kanilang mga tahanan, mas maiging huwag na lamang lumabas.

Sa mga establisimyento at pook ng trabaho, pairalin ang “work place safety” policy.

Sa pagbabalik ng face-to-face classes sa lahat ng mga paaralan pagsapit ng Nobyembre, higit na kailangan ang isang mainam na mekanismong kukumbinsi sa mga magulang ng mga mag-aaral na bigyang proteksyon ang mga kabataan.

Batay sa datos ng LGUs, lubhang mababa ang bilang ng mga batang dinadala ng kanilang mga magulang sa itinakdang mga lugar ng bakunahan sa mga kabataan – pahiwatig na hindi epektibo ang kampanya ng DOH hinggil sa kahalagahan ng “pediatric vaccination.”

Kailangan pa ba talagang maranasan nating muli ang bangungot bago tayo magising na hindi biro ang COVID-19?

56

Related posts

Leave a Comment