NAPTRON INTERNATIONAL PLACEMENT AGENCY AT HAPPY WORLD HUMAN RESOURCES TINATAWAGAN NG PANSIN

BANTAY OFW

NAKATANGGAP ako ng sumbong mula sa ating AKOOFW-Bantay OFW mo­­bile apps mula sa a­ting kabayani na si Maila K. Maguid. Siya ay nakara­ting sa Saudi Arabia sa pamamagitan ng Naptron International Placement Agency.

Ayon kay Maguid ay “Tapos na po ang kontrata ko hindi pa rin po ako pinapauwi ng amo ko. Kahit po sinabi ko na namatay ang asawa ko hindi pa rin po nila ako pinapauwi. Maghintay daw po ako ng kapalit ko pero hanggang ngayon wala pa pong dumarating na papalit sakin. Pinapaasa lang ako. Sana po ay matulungan ninyo ako”.

Si Maguid ay isa sa mga miyembro ng AKOOFW na lumapit sa akin upang siya ay matulungan na maipara­ting sa kanyang ahensya ang kanyang sitwasyon. Hindi obligasyon ni Maguid na maghanap ng magiging kapalit niya. Obligasyon ng Naptron International Placement Agency na mapauwi si Maguid kung natapos na niya ang kanyang kontrata.

Kung kaya, tinatawagan natin ng pansin ang Naptron International Placement Agency na kumustahin at si­guruhing makakauwi si Ma­guid sa lalong madaling panahon.

oOo

Matapos ang live broadcast ng aking prog-ramang Bantay OFW sa AKOOFW Teleradyo, ay nakatanggap ako ng tawag mula kay Eric Bamba. Humihingi siya ng tulong sa akin upang mapauwi na sa lalong mada­ling panahon ang kanyang asawa na si Norjie Bamba na nasa Makkah, Saudi Arabia.

Ayon sa sumbong ni Bamba na ipinarating ng kanyang asawa, ay minamaltrato siya ng kanyang amo at maging ang kanyang kasamahan na isa ring Pinay. Bukod sa pananakit na dinaranas ay hindi rin ito nakakatanggap ng kanyang suweldo.

Mula sa Lanao del Norte ay lumuwas sa Maynila si Eric upang idulog sana ng personal sa OWWA at POEA ang problema ng kanyang asawa, ngunit ayon sa kanya ay pinagpasa-pasahan lang siya ng OWWA at ng ahensya, kaya napilitan siyang lumapit sa akin.

Aking tinatawagan ng pansin ang Happy World Human Resources dahil talagang “hindi na HAPPY” ang worker na ipinadala ninyo sa Saudi Arabia.

Si Eric Bamba na wala namang kamag-anak sa Maynila ay kung saan-saan na lamang nakikituloy at hindi na makauwi sa Lanao dahil naubusan na siya ng pera dahil sa kanyang pamasahe at pagkain na nagpabalik-balik sa OWWA at POEA.  (BANTAY OFW / DR. CHIE LEAGUE UMANDAP)

151

Related posts

Leave a Comment