TRAK NI KAMATAYAN

BAGWIS

MALIBAN sa mga motorsiklo, itong mga dambuhalang trak ang madalas na dahilan ng mga malalagim na sakuna sa kalsada. Malimit na dahilan ng mga driver kapag nakakapanayam ng media ay nawalan sila ng preno kaya’t nawalan sila ng kontrol sa kanilang minamanehong trak.

Sa araw-araw nating karanasan sa kalsada, kapansin-pansin na halatang napapabayaan at kulang sa tamang maintenance ang mga naglalakbay na trak sa ating mga lansangan.

Kung hindi mausok at halatang palyado ang mga makina ay maaamoy mo na gastado na ang clutch lining ng mga ito. Kitang-kita rin na kung hindi recap at talagang kalbo na ang mga gulong ng mga trak ngunit pinapabayaan pang magbiyahe.

Maging sa mga napakadelikadong lugar gaya ng Benguet at Mountain Province ay nagkalat ang mga trak na halatang mga kulang sa aruga at hindi na dapat pinapabiyahe pa.

Dahil palyado na ang makina ay halos gumapang ang mga ito paahon at kapag palusong naman ay talaga namang nakakatakot dahil maaaring mawalan ito ng preno at salpukin ang mga kasunod na mga sasakyan.

Ang tanong eh paano nakakalusot ang mga ito sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB)? Magkano kaya ang dahilan kung bakit tila nagbubulag-bulagan ang LTFRB sa mga nagkalat na mga trak ni kamatayan?

Kung tutuusin, hindi naman mahirap magpatupad ng mga batas upang matiyak ang kaligtasan ng mga bumibiyaheng mga trak at iba pang mga sasakyan. Hindi dapat nagtatapos sa registration ang monitoring kung road-worthy pa ba ang isang sasakyan.

Halimbawa sa mga weighing stations ng Department of Public Works and Highways (DPWH), bakit hindi maglagay ang LTFRB ng kanilang tao na siyang magsasagawa ng inspeksyon sa bawat trak na dumaraan dito?

Kailangan din na may regular na inspeksyon ang LTFRB sa mga trak operator upang matiyak na sumusunod ang mga ito sa mga pamantayan upang ma­panatiling ligtas sa ating mga kalsada ang kanilang mga ipinapamanehong mga trak.

Hindi rin dapat pinapayagan ang mga recap na gulong na siyang malimit na gamit ng mga trak dahil ito ay hindi kasingtibay at kasingkapit ng orihinal na gulong.

Marami na tayong nababalitaan na mga disgrasyang kinakasangkutan ng mga trak dahil bagama’t may preno naman ito ay hindi naman kumagat ang mga gulong dahil recap o dili kaya ay kalbo na ang mga ito.

Sana naman ay gumawa ng aksyon ang LTFRB at maging ang mga pamunuan nitong mga expressways natin gaya ng SLEX at NLEX upang mawalis sa kalsada itong mga ganitong uri ng mga trak.

Hangga’t pinapabayaan natin na bumiyahe ang mga ‘yan ay tiyak na marami pa sa ating mga kababayan ang magiging biktima ng mga trak ni kamatayan. (BAGWIS / GIL BUGAOISAN)

136

Related posts

Leave a Comment