NARARAPAT NA SPOT PROMOTION SA MGA AWTORIDAD

At Your Service ni Ka Francis

HINDI sa pinanghihimasukan natin ang pamunuan ng Philippine National Police, National Police Commission (NAPOLCOM) at iba pang ahensya ng pamahalaan na bahagi ng pagbibigay ng promosyon sa mga nararapat na mga pulis na mabigyan nito.

Sa sulat ni Jesus O. Manalo, Jr., Police Lieutenant Colonel, na naka-address sa Provincial Director ng PNP Region 3, kaugnay sa Spot Report sa pagkakaaresto sa a.k.a. Rose at dalawang iba pa para sa paglabag sa RA 7610 (Corruption of minors) at Unjust vexation.

Isang mensahe ang ipinaalam sa umano’y hinihinalang insidente ng kidnapping (Isaac Medina) mula sa Chief ng PIU na may petsang Abril 5, 2024.

Ito ay may kaugnayan sa natanggap nilang tawag sa telepono sa hinihinalang kidnapping incident ng isang a.k.a Isaac.

Isang joint elements ng PIU Bulacan sa pamumuno ni PLt. Col. Jesus Manalo, Jr., Anti-Kidnapping Group Luzon Field Unit, sa pamumuno ni PLt. Col. Rossel Cejas, at Hagonoy MPS, sa pangunguna naman ni PLt. Col. Aldrin Thompson, Plaridel MPS sa Brgy. Lugam, Malolos City, Bulacan na kung saan ay naaresto ang mga suspek na sina a.k.a. Rose, 42-anyos, may-asawa, residente ng Brgy. Sagrada, Hagonoy, Bulacan; a.k.a. Onor, 34-anyos, may asawa at residente ng Brgy. Menzyland, Malolos, Bulacan, at a.k.a. Ryan, 30-anyos, live-in partner, security guard at residente ng Mayumi St., Brgy. Mojon, Malolos, Bulacan.

Nakilala naman ang biktima na si Eric Medina y Sebastian, 50-anyos, lalaki, may asawa, negosyante, at a.k.a. Isaac, 12-anyos, lalaki, at pawang residente ng Brgy. Sagrada, Hagonoy, Bulacan.

Inihayag sa paunang imbestigasyon na bago ang pag-aresto, ang biktimang si Isaac ay ginamit at inimpluwesiyahan ng kanyang ina at kanyang kasama bilang isang kidnap victim upang makapaghiganti sa kanyang asawa na si a.k.a. Ruben at walang kidnapping na nangyari.

Sa report sa transaction ng ransom money, si Isaac ay sinundo ng driver ng pamilya sa Jollibee Waltermart sa Plaridel, Bulacan at nang matiyak na ito ang biktima ay agad na tinungo ng joint team ang sasakyan ng mga suspek na kumuha ng ransom money at pinahinto at inaresto ang mga ito sa Brgy. Lugam, Malolos City, Bulacan.

Sa pagkakaaresto sa mga suspek, nakuha sa mga ito ang ransom money na nagkakahalaga ng P550,000 at isang (1) Chevrolet SLX, color black, plate number # NEA 5728.

Ang mga suspek ay pormal na itinurn-over sa Hagonoy MPS para documentation pati na rin ang mga ebidensiyang nabawi.

Anoman ang kalalabasan ng imbestigasyon sa nasabing insidente, ang nais lamang nating ipunto dito ay ang sakripisyo ng mga awtoridad sa paglutas ng mga krimen na nalalagay sa panganib ang kanilang mga buhay.

Sa ganang akin ay kinakailangan lamang na suklian ng gobyerno ang mga sakripisyong ito na ginagawa ng ating mga awtoridad sa pamamagitan ng pagbibigay sa kanila ng Spot Promotion nang sa ganoon ay ganahan silang magtrabaho.

Hindi po biro ang paglutas ng mga kaso, lalo sa usapin ng kidnapping dahil kadalasan ang mga nasasangkot dito ay pawang mga armado at kadalasan ang mga suspek nito ay dating mga awtoridad na bihasa rin sa paggamit ng mga matataas na kalibre ng baril.

Sa pagkakataong ito ay binabati po natin si PLt. Col. Thompson sa kanyang pagiging masipag at makataong awtoridad.

Sa kabila ng pagiging abala ni Col. Thompson sa kanyang trabaho ay nakukuha pa nitong sumama sa pamimigay ng tulong na pagkain, gamot at iba pa, sa mga nangangailangan sa pamamagitan ng Sta. Maria Magnificent Eagles Club.

Mabuhay ang Hagonoy Police Station sa pamumuno ni PLt. Col. Aldrin Thompson!

 

42

Related posts

Leave a Comment