NARCO-LIST NG MGA PISKAL AT HUWES

SIDEBAR

Matapos ihayag na 31 aktor at aktres na nasa narco-list ng Philippine Drug Enforcement Agency, sinabi naman ngayon ni PDEA Director-General Aaron Aquino na kabilang sa kanilang narco-list ang 13 judges at 10 prosecutors.

Hindi pinangalanan ng PDEA ang 13 judges na malamang na mga huwes ng Regional Trial Courts na siyang humahawak ng mga drug cases. Nasa ilalim ng administrative control ng Korte Suprema ang mga RTC judges at nasa interes ng mataas na hukuman na malaman kung sino ang mga ito para makapagsagawa ito ng imbestigasyon.

Maging si Justice Secretary Menardo Guevarra ay nagsabi na rin na siya mismo ang mangunguna sa imbestigasyon ng 10 prosecutors sa narco-list kung mabibigyan siya ng listahan ng PDEA.

Subject pa sa validation ang narco-list ng PDEA sa 13 judges at 10 prosecutors kung kaya nakakapagtaka kung bakit kailangang sabihin ito sa publiko ng hepe ng PDEA gaya ng narco-list ng 31 aktor at aktres na kailangan pa ring dumaan sa intelligence validation.

Ang tanging “ebidensiya” na pinanghahawakan ni Gen. Aquino ay ang mga natatalong kaso ng PDEA sa korte gaya halimbawa ng pagbasura sa drug case ni Diana Yu Uy ng Manila RTC noong Oktubre 2018.

Si Diana Yu Uy ay anak ng convicted “drug queen” na si Yu Yuk Lai at nahuli siya habang dumadalaw sa kanyang ina na nakakulong sa Women’s Correctional sa Mandaluyong. Nagsagawa ng follow-up operation lang  ang PDEA sa kanyang tinitirhang condominium unit sa Maynila kung saan ilang kilo ng shabu ang nasakote.

Sa naging desisyon ng Manila RTC, inakusahan nito ang PDEA na nagtanim ng mga nakuhang shabu sa condo unit bukod pa sa pagiging depektibo ng search warrant dahil wala umano itong “probable cause.”

Sa kaso naman ng mga piskal, sinabi ni Aquino na agad ibinabasura ng mga prosecutors ang kanilang inihaing kaso para hindi ito makarating sa RTC.

“Public shaming” ang tawag ng Integrated Bar of the Philippines sa inihayag na “narco-list” ng PDEA at ayon kay IBP president Abdiel Dan Fajardo, hindi masisisi ang mga piskal kung sumusunod sila sa Rules of Court hinggil sa “chain of custody” sa mga drug cases.

Solidong ebidensiya pa rin ang kailangan ng PDEA laban sa mga huwes at piskal na nasa narco-list ng ahensya at hindi puwedeng sirkumstansyal lamang.

Sa ilang pagkakataon, ang mga abogado ng akusadong drug lords ang nagtatrabaho para ma-acquit ang kanilang kliyente. Kabilang na rito ang panunuhol hindi lamang sa huwes kundi maging sa mga em­pleyado ng RTC.

Minsan nga, mga court stenographer ang sinusuhulan ng abogado para ibahin ang record ng trial para maging pabor sa kanyang kliyente ang desisyon. Isang tuldok lang o kaya ay comma ang palitan ay naiiba na ang ibig sabihin ng nakasulat sa stenographic notes na puwedeng magresulta sa pagpapawalang-sala sa akusado.

Sa ilang pagkakataon, mga police operatives na witness ang binabayaran para huwag nang dumalo sa hearing lalo na kung nailipat na sila ng assignment na malayo sa RTC kung saan dinidinig ang kaso.

Marami pang ginagawa ang mga abogado ng drug lords na labas sa pagdinig sa kaso at alam ng mga beteranong operatiba sa i­legal na droga ang ganitong kalakaran kung kaya pagdating ng desisyon ng RTC judge ay pabor sa akusado. (SIDEBAR / RAYMOND BURGOS)

84

Related posts

Leave a Comment