DPA Bernard taguinod
NAKATATAKOT na maging pangulo ng Pilipinas si Sen. Robin Padilla dahil kung ano ang gusto niya ay siya ang mangyayari tulad ng lamang nitong pagkontra niya sa foreign films na “Plane”.
Sa ilalim ng demokratikong bansa, dapat umiral ang kagustuhan ng mga tao at hindi ang kagustuhan ng isang lider tulad ni Padilla pero mukhang ngayon pa lamang ay kung ano ang gusto ng senador na ito ay siyang dapat mangyari.
Mahigit tatlo’t kalahating dekada nang wala ang tinagurian diktador na si dating Pangulong Ferdinand Marcos Sr., at sa mga panahong ito, naging malaya ang mga Filipino na ipahayag ang kanilang sariling saloobin.
Pero ang anino ng diktadurya ay ipinaparamdam ni Padilla dahil sinagkaan niya ang karapatan ng mga Filipino na manood ng kanilang gustong panoorin dahil sa pagtutol niya sa foreign film na ito,
Isang malinaw na censorship ang pagharang ni Padilla na ipalabas sa Pilipinas ang pelikulang ito na nangyayari lamang sa panahon ng diktadurya kaya ang dapat itanong: nasa demokratikong bansa pa rin ba tayo?
Kung nagagawa niya ito sa foreign films, hindi malayong magawa niya ito sa local films lalo na kapag hindi pumasa sa kanyang panlasa ang pelikula at hindi katulad ng mga ginawa niya sa mga nakaraang pelikula na puro halikan, pagiging barumbado, chickboy at puro kriminalidad lamang ang tema.
Tingin ng marami, sumosobra at mukhang umakyat na sa ulo ni Padilla ang kapangyarihang pansamantalang ibinigay sa kanya ng sambayanang Pilipino na pwedeng mawala pagkatapos ng anim na taon.
Akala siguro niya ay masyado na siyang powerful na lahat ng gusto niya ay siyang mangyayari kaya paano na lang kung may plano siyang tumakbo sa mas mataas na posisyon lalo na’t number one siya noong nakaraang eleksyon sa 12 senador na inihalal?
Pero kahit kumanta pa ulit ng “Wonderful Tonight” si Robinhood sa mga kampanya kapag tumakbo siya sa mas mataas na posisyon ay hindi siya mananalo kung ngayon pa lamang ay ipinapakita niya sa atin kung anong klaseng lider siya.
Baka kahit ang pagpalakpak ng mga tao ay ibabawal na niya dahil siya ang presidente tulad ng pagkastigo niya sa isang film director na pumalakpak sa hearing sa Senado.
Kung may plano siyang tumakbo sa mas mataas posisyon sa 2028, ngayon pa lamang ay dapat niyang igalang ang demokrasya dahil hindi na papayag ang mga Filipino na mawala pa ito.
Hindi rin ubra sa pulitika ang mga papel na ginagampanan ni Padilla sa kanyang mga pelikula na kung anong gusto niya ay siyang mangyayari dahil isang malaking “no-no” ‘yan. Sino bang adviser nito?
Nga pala, malabong mangyari ang Federal Form of government na gustong mangyari ni Padilla kaya dapat pag-isipan niya ang umalis na lamang sa Senado dahil tulad ng sabi niya, hindi siya makapambabae sa kapulungan.
