DPA ni BERNARD TAGUINOD
TALAGA bang kapag ang gobyerno ang nagtrabaho ay laging may palpak kahit buhusan pa ng bilyones ang isang proyekto tulad ng National ID project na hanggang ngayon ay hindi pa natatanggap ng mga tao ang kanilang ID?
Noong Agosto 6, 2018 pa pinirmahan ni dating Pangulong Rodrigo Duterte ang “Philippine Identification System Act” o Republic Act (RA) No. 11055 pero hanggang ngayon ay hindi pa natatanggap ng mga tao ang kanilang ID.
Ang mga naunang nagparehistro tulad ng mga congressman pa lamang ang nakatanggap ng kanilang totoong ID, hindi digital ID, pero ang karamihan sa mga ordinaryong Pilipino ay nganga pa rin hanggang ngayon.
Walang malinaw na eksplenasyon ang Philippine Statistic Authority (PSA) bakit nade-delay ang pag-iimprenta at pagdeliber ng ID ng mga Pilipino at palusot na lamang ‘yung sinasabi nilang double-checking, cross-checking at verification.
Hindi ito katanggap-tanggap dahil personal na pinapunta ng PSA ang mga tao sa kanila para magparehistro, hinanapan sila ng balidong ID na inisyu ng gobyerno tulad ng passport, SSS, GSIS at kung ano-ano pa.
Piniktyuran nang personal ang mga aplikante, kinunan ng fingerprints at nirehistro ang retina ng kanilang mata kaya bakit pa sila magsasagawa ng double-checking, cross-checking at verification?
Ibig bang sabihin ay walang tiwala ang PSA sa kanilang mga tauhan na kanilang inatasang magrehistro sa mga Filipino na naobligang magrehistro dahil kung wala raw ang ID na ito ay hindi ka makakukuha ng serbisyo at suporta mula sa gobyerno.
Sa tinatayang 110 million Pilipino, 81 million pa lamang ang nagparehistro mula nang ilunsad ito noong Setyembre 2018 pero ang naibibigay pa lamang na physical IDs ay 39.7 million pa lamang habang ang natitirang 40.8 million ay may digital ID na.
Sa digital ID na sinasabi ng PSA, ikaw ang mag-imprenta, ikaw rin ang magpapa-laminate lalo na kung sa bond paper mo lang inimprenta para hindi mabasa, malukot o lumipad kapag inilabas mo mula sa wallet mo.
Ang layo ng itsura ng digital ID sa physical IDs at hindi mo siya maipagmamalaki kaya ang hinahanap ng mga tao ay physical ID pero hindi maideliber ng PSA na kung bakit ay sila lang ang nakakaalam.
Saka 81 million pa lamang ang nagpaparehistro, paano kung lahat ng halos 110 million populasyon ng Pilipinas ang nagrehistro na? Kayo talaga oh.
Hindi puwedeng idahilan na walang pondo dahil mahigit P11 billion na ang nagagastos sa P27.8 billion pondo na inilaan sa proyektong ito mula nang ilunsad ito noong 2018.
Kaya hindi mo masisisi ang mga tao na sabihin na kapag gobyerno ang kumilos, palpak talaga. Hindi mo alam kung dahil incompetent ang karamihan sa kanila o sa katiwalian.
