NASAAN NGA BA ANG SWERTE?

Psychtalk

CHINESE New Year na naman. Marahil marami na naman ang nagkonsulta sa feng shui para iayos ang mga bahay o opisina.

Kung gustong mas makamura, pwede namang bumili ng mga lucky charm sa mga tindahan ng pampaswerte lalo na ng mga naaakma sa Year of the Earth Pig, sa pagbabaka-sakaling darating na ang pinakaaasam na magandang kapalaran  o kaya naman para magtuluy-tuloy ang kasaluku­yang maayos ng buhay.

Kung hindi naman ay para kontrahin ang inaakalang malas na dala sa kanya-kanyang buhay ng bagong taon.

Taun-taon na lang ay marami ang nangangarap ng swerte lalo na marahil ‘yung mga taong sa tinagal-tagal nang panahon ay tila di pa rin nginin-gitian ng tadhana.

Kung hindi makuha ng lucky charm, ay pwede na ring tumaya sa lotto, jueteng (dati) at sa mga nagkalat na ngayong Small Time Lottery booth sa halos lahat ng barangay na yata sa sangkapuluan.

Sadya yatang habang pahirap ang buhay, mas maraming tao ang gusto na lang manalig sa magandang kapalaran.  Kasi kahit ano kasing kayod– halos makuba na ang mga likod at puro kal­yo na ang mga  kamay,  wala namang kinapupuntahan ang sahod ng karamihan sa atin kundi ang pagkasyahin lang ito para sa mga batayang pangangailangan bago ulit dumating ang susunod na sahod.

Bagama’t di maitatanggi na may mga dinapuan naman ng swerte sa ilang naniwala sa feng shui o lucky charm. Pero kung aaralin ang naging buhay ng mga ito, lumalabas na ang kanilang natamo sa buhay ay di naman dahil sa kapalaran lang.  Kundi habang sila’y naniniwala sa swerte, sina-bayan nila ito ng masid­hing pagpupursigi, tiwala at disip­lina sa sarili,  at ‘yung iba, ay mayroong epektibong  suporta galing sa ibang tao at magulang, at marami pang salik.

Ito ang mga tinatawag natin sigurong mga “self-made” na tao at malamang hindi sila nakararami.

Pero ang pilit nating hinahanapan ng swerte ay yaong mga marami sa atin na hindi naman talaga tamad, sikap naman ng sikap, pero tila wala  talagang nadapong magandang kapalaran sa buhay nila. At sila ang bumubuo sa mala-king bahagdan ng populasyon sa ating lipunan na kadalasan ay isinasalarawang nasa guhit o baba ng guhit ng kahirapan.

Kung aaralin, karamihan sa kanila ay sistematikong napagkaitan ng pagkakataong makaangat-angat sa buhay kaya’t di na swerte ang tunay na makakatulong sa kanila kundi sistematiko ring  pagbabago  sa mga salik na nagpapatuloy na maglublob sa kanila sa kahirapan. (PSYCHTALK /EVANGELINE C. RUGA, PhD)

13

Related posts

Leave a Comment