NASUSUNOD BA ANG ATING BUILDING CODE?

BAGWIS

Nitong mga nakalipas na araw ay niyanig ng lindol ang iba’t ibang bahagi ng bansa. Dahil dito ay muli na namang lumabas ang isyu tungkol sa mga ipinapatupad na mga safety standards sa mga gusali.

Kung ating titingnang mabuti ang ating umiiral na National Building Code of the Philippines, isa sa mga requirements sa pagpapatayo ng isang mataas na gusali ang pagkakaroon ng seismic recording and instrumentation machine.

Sa pamamagitan ng makinang ito ay agarang magbibigay ito ng alarma kapag may naramdaman iyong pag-uga ng lupa depende sa lakas nito. Awtomatikong papatayin din nito ang mga pangunahing utilities gaya ng kuryente, linya ng gas at maging ang pagtakbo ng mga elevator at escalator.

‘Yan po ang itinatakda ng batas.

Ngunit alam ninyo ba, mangilan-ilan lamang sa ating mga gusali, maging sa mga condominium ang nagpalabas ng alarma habang tayo ay niyuyugyog ng lindol?

Dahil dito ay hindi pa rin maiwasan ng napakarami sa ating mga kababayan ang magpanik at hindi alam ang gagawin dahil wala naman silang natatanggap na alarma.

Isang halimbawa itong mga gusali ng El Pueblo Condominium sa Sta. Mesa, Manila na ni wala man lang public address system upang sana ay mabigyan ng abiso ang mga nakatira rito. Ni wala ring mga tauhan ang naturang condominium ang nakatalaga upang umalalay sana sa mga nagbabakwit na mga residente.

Ang tanong ay paano kaya ito naitayo na walang seismic recording and instrumentation machine na siyang itinatakda ng batas? Kung sakaling mayroon itong ganitong instrumento ngunit hindi gumana noong nakaraang lindol, bakit hindi ito alam ng Manila City Hall? Wala ba itong isinasagawang regular na inspeksyon sa mga gusali sa Maynila?

Malamang sa hindi ay nakalusot ang mga ganitong kabalbalan dahil pinera na naman. Alam naman natin lahat ay pera-pera na lamang ang labanan.

Ang masaklap ay kaligtasan ng ating mga mamamayan ang nakataya dahil sa kanilang kasakiman. (Bagwis / GIL BUGAOISAN)

232

Related posts

Leave a Comment