NATARANTA ANG POLO KUWAIT; SHASO INTERNATIONAL MANPOWER TINATAWAGAN NG PANSIN

BANTAY OFW

Tila nataranta ang ilang opisyales ng Philippine Overseas Labor Office (POLO) sa aking naisulat na artikulo ukol sa paglalasingan ng ilang opisyal sa loob mismo ng kanilang opisina.

Ilang tawag sa telepono ang aking natanggap na karamihan ay mga secretary at may-ari ng ahensya sa Pilipinas at sa Kuwait.

Ilan sa kanila ay nagpapapadrino sa ilang opisyal at ang ilan ay nagpapatunay na alam nila ang nangya­ring ito.

Nagkita kami ni Department of Labor and Employment Undersecretary Claro Arrelano ng International Labor Affairs Bureau (ILAB) at napag-usapan namin ang sitwasyon na nagaganap sa POLO Kuwait.

Nabanggit niya sa akin na nabasa pala niya ang a­king kolum na Bantay OFW at kanyang siniguro na may mare-recall na tauhan ng POLO Kuwait.

Pansamantala ay mananawagan muna tayo sa Shaso International Manpower upang aksyunan ang sumbong ng ating kabayani na si Mary Joy Literarus.

Ayon kay Mary Joy na kasalukuyang nasa Saudi Arabia ay “Dito ako sa Riyadh, Saudi Arabia simula pa noong December 5, 2018. Nagsimula pa lang ako ay ako na ang bumibili ng lahat ng gamit ko pati uniform ko, at lagi kaming nag-aaway ng amo ko. Humantong kami sa naitulak niya ako sa balikat ko, kakain ako dapat nakatayo lang kasi bawal umupo. Lagi na lang galit at lagi pinapaulit ang paglinis ko, at doon lang ako pinapatulog sa baba malapit sa sala nila. Paano ka makakatulog na maingay sila at ang mga bata. Tapos nag-away kami at sabi ko ihatid nila ako sa agency at sabi nila kailangan ko raw magbayad ng 20000 riyals sa gastos nila. Pinilit kong magpahatid sa agency at hinatid ako. Pagdating namin doon ay sila pa rin ang kinampihan ng agency at inayos lang kami. Sabi ng agency ayusin ko raw ang trabaho ko at ang sabi ng agency sa kanila na 8 hrs minimum na tulog ko. Matulog ako ng 12am at gigising ako ng 8:30 am. At ngayon po mas lumala kasi hindi na ibinigay ang sahod ko at kinuha pa nila ang  documents ko at kukunin daw nila CP ko. Kaya nagmamakaawa ako sa inyo na tulungan niyo ako hindi ko na talaga kaya rito.”

Ito ay ikalawang kaso na deployed ng Shaso International Manpower na nakara­ting sa akin na hanggang ngayon ay wala pa ring aksyon ang naturang ahensya.

Kaya muli ay nananawagan ako sa Shaso Manpower na kung maaari ay kumustahin nila ang kanilang mga deployed na OFWs. (Bantay OFW / DR. CHIE LEAGUE UMANDAP)

200

Related posts

Leave a Comment