NATIONAL ID SYSTEM

SIDEBAR

Sa darating na Setyembre magsisimula ang aktwal na implementasyon ng Republic Act No. 11055 na mas kilala sa tawag na Philippine Identification System Act o ang National ID System na mahigpit na tinututulan noon ng mga makakaliwang grupo.

Ayon sa Philippine Statistics Authority (PSA), may inisyal na 6 milyong Filipino ang target ng PSA na makapagrehistro at mabigyan ng national ID sa mga unang buwan ng implementasyon ng R.A. 11055.

Target naman ng PSA na bago matapos ang 2022 ay maiisyuhan na ng national ID ang may 100 milyong Filipino at resident aliens na may edad 5 anyos pataas.

Ang ibibigay na permanenteng PhilSys number ay magiging panghabambuhay na identipikasyon ng isang indibidwal na nani­nirahan dito sa Pilipinas.

Prayoridad sa national ID registration ang mga PWDs (people with disabilities) at mga empleyado ng gobyerno sa ilang mga piling lugar sa bansa.

Kabilang sa mga impormasyong kailangang ibigay ng registrant sa national ID ay ang kanyang biometrics (thumbprint, iris and face scanning), buong pangalan, kasarian, petsa ng kapanganakan, lugar ng kapanganakan, blood type, tirahan at kung ang registrant ay Filipino o isang dayuhan.

Hindi naman obligado ang national ID registrant na ibigay ang impormasyon sa kanyang marital status (kung kasal o single), mobile number at email address.

Libre ang rehistras­yon para sa national ID at pagkatapos na makapagrehistro sa PSA ay agad siyang bibigyan ng permananteng PhilSys number. Ang ID card ay makukuha ng registrant i­lang araw matapos sumailalim sa balidasyon ng PSA ang mga impormasyong isinulat ng registrant.

Mahirap pekein ang national ID dahil nga bawat indibidwal ay may es­pesipikong PhilSys number na ibibigay at madaling maberipika kung tunay o peke ang isang national ID.

Dahil dito ay inaasahang mas magiging madali ang transaksyon ng mga Filipino sa mga pribadong bangko at mga ahensya ng pamahalaan dahil isang ID na lang ang ipapakita para maberipika ang pagkatao ng isang indibidwal.

Hindi lang malinaw kung ang mga preso ba lalo na yaong mga convicted na nasa New Bilibid Pri­sons ay kabilang sa mga bibigyan ng national ID.

Hindi rin malinaw kung ang mga Filipino na nani­nirahan sa ibang bansa na may dual citizenship ay kabilang din sa mga bibigyan ng permanenteng PhilSys number.

Kailangan lang ng PSA na maglunsad ng malaganap na information campaign para matiyak na ang lahat ng tanong ng mga kababayan natin ay ma­liliwanagan nang sa gayon ay walang maging problema sa pagsisimula ng rehistrasyon sa national ID sa darating na Setyembre. (Sidebar / RAYMOND BURGOS)

78

Related posts

Leave a Comment