HINDI lang isa o dalawang ordinaryong mamamayan ang nagtatanong kung para kanino ang itinatayong mga bahay na project ng National Housing Authority subalit marami sila.
Kasi nga, marami sa totoong mahihirap na mamamayang Filipino ang hanggang sa ngayon ay walang sariling bahay ay wala pa rin silang lakas ng loob na magtungo sa NHA upang magtanong dahil sa gate palang ay hindi na sila makapasok dahil sa tindi ng interview na ibinabato sa kanila ng mga guwardiya pa lang at sakaling makapasok man ay puro irap, pagsusungit at pagtataray naman ang kanilang sasapitin sa mga empleyado nito.
Kawawang Juan dela Cruz, sa halip na tulungan at kalingain ng kanyang mga kalahi ay sila pa ang nangmamaliit at nang-aapi.
Take note, ipinagmamalaki ng NHA ang kanilang housing projects na mura at abot kaya ng mga ordinaryong mamamayan ang presyo. Pero bakit walang kahit sariling barumbarong ang marami sa mga Filipino. Marami sa ating mga kababayan ay nananatiling nangungupahan. Marami ang nananatiling squatter sa sariling bayan.
Sino na ngayon ang nakikibanang sa mga ipinagyayabang na pabahay ng pamahalaan?
Bakit hanggang ngayon ay marami pa ring eskuwater sa sariling bayan?
Kahit anong gawin nilang kayod, hindi naman nila kayang kumuha ng bahay na ibinebenta ng Bria, Camella, Palmera at mga katulad nito na pag-aari ng mga Villar dahil napakamahal ng presyo.
Siyempre, bahagi ng negosyo ng Villar na makasiguro na may pambayad ang kanilang kliyente kaya naman sa tripping o sa pagpapakita ng housing projects ng mga Villar, aalamin muna ng mga ahente kung kaya bang bayaran ng kliyente ang down payment at monthly amortization.
Ang mandato ng NHA ay magsagawa at magpatupad ng housing program ng gobyerno at paglikas sa mga mamamayan mula sa panganib sa kanilang tirahan patungo sa ligtas na lugar.
Misyon ng nasabing ahensya na maglaan ng disenteng tirahan, abot kayang pabahay sa mga pamilyang Filipino na mababa lang ang kita bukod pa sa tiyaking kumpleto ang pasilidad, serbisyo at daan patungo sa social services at economic opportunities.
Pero teka, kahit kailan ay hindi ito naramdaman ng mga oridnaryong mamamayan o mahihirap na pamilyang Pinoy.
Sa halip, ang kanilang mga tirahan na nasa delikado na ngang lugar tulad ng gilid ng riles ng tren, tabing sapa o creek at ilalim ng tulay ay dine-demolish.
May nabibigyan nga ng pabahay kapag na-relocate sila subalit madalas ay malayo sa kabihasnan kung saan wala rin ang pangunahing pangangailangan tulad ng pagkain, tubig, kuryente at hanap-buhay.
Noong 2019, ang pangitain ng NHA para sa mga mamamayang Pinoy ay magkaroon ng pabahay ang 50 porsiyento ng mga mamamayang mababa ang kita.
Subalit natapos na ang 2019 at pumasok na ang 2020 marami pa rin ang gagala-gala ang pamilya sa kalye at naninirahan sa mga delikadong lugar tulad ng daluyan ng tubig, ilalim ng tulay at gilid ng kalye. Anyare?
Abangan ang sagot o reaksyon ng NHA sa isyung ito. (PUNA / Joel Amongo)
137