NUMBER 1 IMPORTER PA RIN NG BIGAS ANG PILIPINAS

EDITORIAL

MANGUNGUNA pa rin ang Pilipinas bilang importer ng bigas sa buong mundo ngayong taon.

Base ito sa ulat ng US Department of Agriculture (USDA).

Sa report ng Economic Research Service ng USDA, inaasahang aangkat ang Pilipinas ng 3.8 milyong metric tons ngayong 2024.

Sumusunod ang China, Indonesia, European Union, Nigeria at Iraq.

Batay sa datos mula sa Bureau of Plant Industry, sa nakalipas na taon, umangkat ang Pilipinas ng 3.6 million MT ng bigas, mababa ng 5.9 percent mula sa 3.8 million MT noong 2021.

May plano ang Department of Agriculture para mapalakas ang produksyon ng bigas sa bansa, ngunit gagastos ang gobyerno ng trilyong piso.

Dahil nakaplano pa lang ang hakbang para mapalakas ang farm output kaya babaling muli sa importasyon?

May masamang epekto ang importasyon sa mga lokal na magsasaka at hindi ito mapapababa ang presyo ng bigas.

Ngayon, susugal muli ang pamahalaan sa tinapyas na taripa sa inangkat na bigas para pababain ang presyo nito.

Para masiguro ang seguridad sa pagkain, inaprubahan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang pagpapalawig hanggang Disyembre 31, 2024 ng pinababang taripa sa bigas at iba pang food items.

Ang hakbang ay naglalayong maging abot-kaya ang presyo ng mga bilihin sa harap ng inaasahang epekto ng El Niño.

Makatutulong din ang pagpapalawig sa pagtugon sa inflation, dagdag ng supply ng pangunahing produktong pang-agrikultura.

Ang kailangang pagsikapan ng gobyerno ay matibay na solusyon para sa seguridad ng pagkain.

Hindi sigurado kung ang ekstensyon ng pagtapyas sa taripa ay magpapababa sa presyo ng bigas, mais at karne.

Ayon sa isang grupo, kahit mababa ang taripa sa importasyon ay magpapatuloy ang pagtaas ng mga nabanggit na produktong pagkain.

Nangangahulugang sablay ang mababang taripa kaya hindi solusyon ang pagpapalawig nito.

Kung hindi nakatutulong ay hindi na dapat pang palawigin.

Mananatili ang problema sa mahal na bilihin at lalala pa ang estado ng pamumuhay kung hindi ito mabibigyan ng akmang solusyon.

59

Related posts

Leave a Comment