NUTRIBUN, SAGOT SA MALNUTRISYON NGAYONG PANAHON NG PANDEMYA

0

BUKOD sa suliranin ukol sa kalagayan ng ekonomiya ngayong panahon ng pandemya, kailangan ding pagtuunan ng pansin ang isyu ng malnutrisyon lalo na sa mga bata. Sa halip na paggugulan ng mahabang panahon ang pag-iisip ng solusyon para dito, buhayin na lamang ang mga programang dati nang ipinatupad at naging epektibo kontra malnutrisyon gaya ng Nutribun noong panahon ng pamumuno ni dating Pangulong Ferdinand Marcos, Sr.

Ayon sa United Nations Children’s Emergency Fund (UNICEF), tinatayang 95 bata ang namamatay sa bansa kada araw dahil sa malnutrisyon. Lubos na nakababahala ang mga pigurang ito kaya’t kailangan natin ng agarang aksyon. Nakababahala ito dahil tila mas malupit pa ito kung ihahambing sa COVID-19. Ang maganda lamang dito ay mayroon tayong maaaring gawin bilang tugon dito.

Ang Nutribun ay tinapay na ipinamimigay sa mga mag-aaral sa mga pampublikong paaralan bilang bahagi ng ­feeding program upang labanan ang malnutrisyon mula noong 1971 hanggang 1997. Ito ay unang ipinakilala ng United States Agency for International Development (USAID) bilang bahagi ng Food for Peace Program sa bansa sa pakikipagtulungan ng administrasyong Marcos.

Ang Nutribun ay kahawig ng pandesal. Subalit, ito ay pabilog at mas malaki. Ito ay gawa sa wheat flour, nonfat dry milk solids, asukal, vegetable oil, asin, at yeast, at may bigat na 170 hanggang 190 grams kada piraso. Tinatayang mayroon itong 500 calories at 17 gramo ng protina.

Makailang beses na pinag-usapan ang muling pagbabalik ng Nutribun. Sa katunayan, naglabas ng bagong bersyon nito ang Department of Science and Technology-Food and Nutrition Research Institute noong Abril. Tinawag nila itong Enhanced Nutribun Carrot Variant. Ayon kay DOST-FNRI Director Dr. Imelda Angeles-Agdeppa, mas masustansya ito dahil sagana sa Vitamin A, Iron, Calcium, Potassium, at Zinc.

Sa pangunguna naman ni Senator Imee Marcos, binuhay ng Cebu ang Nutribun. Ang Cebu ay isa sa ­pinakamayamang lungsod sa bansa, ngunit ito ang may pinakamataas na antas ng malnutrisyon. Maging ang lungsod ng Maynila noong 2014, Marikina noong 2019, Tuguegarao at ang Laoag City, Ilocos Norte noong nakaraang taon ay ­muling ibinalik ang Nutribun bilang panlaban sa malnutrisyon.

Napakahalaga na panatili­hing malusog ang mga bata dahil wala pa silang bakuna kontra COVID-19. Kailangan nila ng sapat na nutrisyon at malakas na resistensya upang malabanan ang virus sakaling dapuan sila nito. Sa halip na kanya-kanya sa diskarte ang mga lokal na pamahalaan ukol sa Nutribun, marahil mas magiging epektibo ito kung mismong ang pamahalaan ang magpapatupad nito sa buong bansa.

Nawa’y pagtuunan ng pansin ng susunod na administrasyon ang suliranin sa malnutrisyon at paigtingin ang primary healthcare sa bansa.

 
"COMMENT DISCLAIMER: Reader comments posted on this Web site are not in any way endorsed by SAKSI NGAYON. Comments are views by saksingayon.com readers who exercise their right to free expression and they do not necessarily represent or reflect the position or viewpoint of saksingayon.com. While reserving this publication’s right to delete comments that are deemed offensive, indecent or inconsistent with SAKSI NGAYON editorial standards, SAKSI NGAYON may not be held liable for any false information posted by readers in this comments section."

Related posts

Leave a Comment