OBRERO TAAS-KILAY KAY CHIZ: KONGRESO BAWASAN NG HOLIDAY HUWAG KAMI

CLICKBAIT ni JO BARLIZO

TINAASAN ng kilay ng grupo ng mga manggagawa ang planong pagsusulong sa Senado na bawasan ang mga holiday sa bansa.

Ayon kay Senador Chiz Escudero, napagkasunduan daw ito ng mga senador dahil mahigit isang buwan na ang holiday sa buong bansa kaya nabawasan ang pagiging competitive ng mga kompanya sa Pilipinas at mga manggagawa.

Ayon pa sa mister ni Heart, may holiday ang siyudad, may holiday ang munisipyo, may holiday ang probinsya, may national holiday at mayroon pang religious holiday kaya isa raw sa pag-aaralan ay pagsama-samahin na lang sa iisang araw ang napakaraming holidays sa bansa. Tingnang halimbawa raw ang Presidents’ Day sa US kung saan lahat ng magagaling nilang Presidente ay pinagsama-sama sa iisang araw na lang na holiday.

“Lahat nung magagaling nilang presidente, pinagsama-sama nila sa isang araw na lang na holiday. Tayo hindi eh, may Araw ng Kagitingan, may National Heroes Day, bawat bayani nung pinatay sila may holiday na naman di ba,” sabi ni Escudero.

Aba, iba rin mag-isip ni SP. Ayan, binagyo at binaha tuloy ng batikos mula sa mga pumapalag ang Senate president.

Sa mas akmang salita: Tinataasan siya ng kilay ng mga nagkakandakuba na sa kakakayod para sa hindi sapat na sweldo para ihabol sa mataas na presyo ng mga bilihin at serbisyo.

Aba, pagsama-samahin na rin sa iisang araw na lang ang Araw ng Kagitingan, Heroes’ Day, at holidays ng mga bayani nung pinatay sila. Iba ang Estados Unidos. Kahit hindi marami ang holiday ay bastante naman mga manggagawa sa vacation at sick leave.

Sa Pinas, kuba ka na sa trabaho, bugbog ka pa sa taas ng buwis. Naku, hindi ibababa ng mga nababanas ang kanilang kilay. Hindi matutunaw dahil ang daming malalaking isyu ang dapat bigyan ng oras ay ang bawas-holiday pa ang isusulong.

Isa pa, maraming manggagawa ang mas gustong pumasok tuwing holiday dahil doble ang kanilang kikitain. Ang karampot na dagdag bilang overtime pay ay malaking bagay para sa mga walang-wala ika nga.

Dabog ng mga netizen, ang daming pwedeng bawasan, gaya ng presyo ng pagkain, mabigat na trapiko, singil sa kuryente, at korupsyon.

Pati rin daw lakwatsa ng Pangulo at mga opisyal ng gobyerno, mambabatas at iba pang sugo na ang gastos ay galing sa pinaghirapan ng mamamayan.

Hindi raw trabahador ang hindi competitive kundi ang gobyerno. Ang daming problema sa bansa na dapat atupagin pero ang pag-uusapan ay limitahan ang holiday.

Hindi sa bawas-holiday masusukat ang pagiging competitive ng manggagawa. Ang Pilipinas ang isa sa may pinakamalalang ‘work-life balance’ sa mundo.

Ito ay pang-59 sa 60 bansa sa 2024 Global Life-Work Balance Index ng global human resource platform Remote. Nakakuha ang bansa ng index score na 27.46 out of 100, ang pinakamababa sa East at Southeast Asian region.

Ang depinisyon ng Remote sa life-work balance ay ang nakukuhang satispaksyon kumpara sa oras na ginugol sa trabaho, time off para sa empleyado na mag-recharge at suporta sa life-work balance sa pamamagitan ng patas na leave policies.

Mataas din ang stress level dahil sa trabaho sa bansa. Kulang na sa benepisyo ay tatapyasan pa ng holiday na oras para sa trabahador na mapabuti ang work-life balance.

Sana isipin ng mga mambabatas na pagaanin ang buhay ng mga Pilipino. Pero baliktad. Gusto pahirapan. Kung may dapat magbawas ng holiday, ito ay ang nasa Kongreso, na mas maraming recess sa mga regular na sesyon.

Pero, may naaamoy din ba kayo kung ano ang tinutumbok ng pag-aaral na limitahan ang holiday?

Paligoy-ligoy kasi ang tirada pero parang rebisyon ang puntirya.

69

Related posts

Leave a Comment