Dahil sa tatlong parte ng aking expose sa anomalya sa ating embahada sa Kuwait, ay nabinbin ang mga kaso o sumbong na inilapit sa atin. Kung kaya, imbes na ang usapin sa anomalya sa Special Power of Attorney ang ating tatalakayin, ay bibigyan muna natin ng puwang ang inyong mga sumbong.
Ngunit bago natin simulan ang mga panawagan ay ibig ko po na magpasalamat kay Welfare Officers Yolanda Peñaranda na nakipag-ugnayan sa ating masisipag na Welfare Officers sa Riyadh Saudi Arabia sa kanilang mabilis na pag-asikaso sa ating apat na kabayani na deployed ng Allied International Manpower. Nakabalik na po silang apat sa Pilipinas. At ngayong Huwebes ay magtutungo na sila kay OWWA Administrator Hans Cacdac upang sila ay mabigyan ng financial assistance.
Nakarating sa akin sa pamamagitan ng ating mga volunteers ang mga sumbong ng ating mga kabayani. Kabilang dito ay ang sumbong na ipinarating ng ating AKOOFW Bukidnon Chapter President na si Ann Mahinay. Ito ay may kinalaman kay Genalyn Arante na deployed ng Manila Shaso International Manpower.
Ayon kay Arante ay halos araw-araw ay sinasaktan siya ng nanay ng kanyang employer at kung anu-ano ang ibinabato sa kanya at ang pinakahuli ay sinapak ang kanyang ulo. Sa pinakahuling impormasyon na nakarating sa akin ay nasa pangangalaga na siya ng kanyang ahensya sa Saudi Arabia. Pinipilit si Arante ng tauhan ng ahensya na si Roderick na pumirma ng isang kasulatan na hindi naman siya sinasaktan at pinipilit na gumawa ng video na kung saan ay dapat na sabihin ni Arante na hindi siya sinasaktan ng kanyang employer. Tinatakot ni Roderick si Arante, na kung hindi niya babawiin ang kanyang reklamo ay hindi siya pauuwiin sa Pilipinas.
Gayundin si Jenalyn Buenavista na deployed ng Rufean International Human Resources. Siya ay nasa Riyadh, Saudi Arabia. Si Buenavista ay nagrereklamo dahil sa hindi siya binibigyan ng medical attention dahil sa kanyang iniindang karamdaman sa kanyang balat ng kanyang employer. Kung kaya ako ay nananawagan sa kanyang ahensya na siya ay kumustahin.
oOo
Ang Bantay OFW ay naglalaan ng espasyo para sa ating mga OFW. Ipadala po lamang ang inyong mga sumbong o reklamo sa aking email sa ako.ofw@yahoo.com(Bantay OFW / DR. CHIE LEAGUE UMANDAP)
201