OFW IPINAKULONG NG AMO DAHIL SA BINTANG NA PANANAKIT

0

IPINARATING sa akin ng ­kapwa volunteer advocate na si ­Mockingjay, ang panawagan ng asawa ng isang OFW na si April Penaflor nasa Dammam, Saudi Arabia. Ayon kay Darrel Duran, ang kanyang asawa na si April ay nakarating sa bansang Saudi Arabia noong Agosto 2, 2019 sa pamamagitan ng Al Rafedain Manpower International Corporation.

Wala naman siyang binanggit na pagmamaltrato sa kanya sa kanyang pagtatrabaho, maliban lamang nitong Setyembre 16, 2021 ay ipinakulong siya ng kanyang amo. Ayon sa sumbong ni April sa kanyang asawa, pinagbintangan siya ng kanyang amo ng pananakit sa kanyang alagang bata na may edad 7-taon gulang. Nag-ugat diumano ang galit ng kanyang amo nang magsumbong ang guro ng bata na diumano ay nakunan niya ito ng video habang sinasaktan niya ang alagang bata.

Depensa naman ni April, hindi niya sinasaktan ang bata dahil ang katotohanan sa likod ng nakunan na video ng guro ay ang kanyang pagtanggal ng laruan sa loob ng bibig ng kanyang alaga dahil siya ay nangamba na ito ay malunok at mabulunan.

Matapos na mapanood ng kanyang amo ang ipinadalang video ng guro ay nagwala ito sa galit at siya ay sinaktan bago pa ipakulong sa presinto sa Dammam, Saudi Arabia. Labis na naki­kiusap si Darryl na matulungan siya ng ating Philippine Embassy upang mapagkalooban si April ng Legal Assistance upang siya ay makalaya sa kulungan.

Sumbong din ni April, tapos na ang kanyang kontrata at maaari na siyang makauwi ng Pilipinas. Ang pakiusap na ito ni Darryl para sa kanyang asawa na si April ay aking ipinarating sa opisina ni DFA-Office of Undersecretary for Migrant Workers Affairs Usec. Sarah Lou Arriola na siyang namamahala para sa pagkakaloob ng abogado sa mga OFW na may kinakaharap na kaso.

Samantala, ipinaparating ni OFW Lourdes Dela Cruz na kasalukuyang nasa loob din ng kulungan sa Jwasat, ang kanyang pagkadismaya sa ating ­Philippine Embassy sa Saudi Arabia. Diumano ay pinabayaan na sila ng embahada na maging ang kanilang munting kahilingan na madala ang ilan nilang ­kagamitan sa kulungan ay hindi man lang binibigyan ng pansin.

Sa pinakahuling SMS message na ipinadala ni Lourdes ay sinabi nito “Baka hindi na po talaga ako makauwi sa Pilipinas dahil ang Philippine Embassy dito sa Riyadh ay namimili lang ng kanilang tutulungan. Sa 2 years at 7 months ko po sa kulungan, wala po akong matinong case officer na nakakausap. Siguro po kapag bangkay na po ako ay baka sakaling kumilos na ang ­ating embassy”.

Simple lamang naman ang kahilingan ni Lourdes, ang maipadala sa kanya ang kanyang mga gamit at damit na katulad ng pagpapadala ng gamit ng iba pang Filipina na nasa kulungan. Bukod tangi raw kasi na ang kanyang kahilingan ang tila binabalewala ng kanyang case officer na si Alex.

 
"COMMENT DISCLAIMER: Reader comments posted on this Web site are not in any way endorsed by SAKSI NGAYON. Comments are views by saksingayon.com readers who exercise their right to free expression and they do not necessarily represent or reflect the position or viewpoint of saksingayon.com. While reserving this publication’s right to delete comments that are deemed offensive, indecent or inconsistent with SAKSI NGAYON editorial standards, SAKSI NGAYON may not be held liable for any false information posted by readers in this comments section."

Related posts

Leave a Comment