OFW PINAGTATANGKAANG GAHASAIN, HUMIHINGI NG SAKLOLO; TALENTSPHERE INC. TINATAWAGAN NG PANSIN

BANTAY OFW

LABIS-LABIS na pakiusap at pagmamakaawa ang laman ng sulat na aking natanggap mula sa itatago natin sa pangalan na R.G. Duran na isang household service worker na nasa Al Banda, Yanbu, Saudi Arabia.

Siya ay nakarating sa Saudi Arabia sa pamamagitan ng  isang ahensya na Talentsphere Inc. Ayon sa kanyang sumbong ay:

“Gusto akong gahasain ng lalaking pamangkin ni madam, tinatanong ako kung marunong daw ako makipag-sex. Sa una binalewala ko lang ang tanong n’ya, 3x akong tinanong n’ya. Noong sinabi ko na ‘hindi ko alam sinasabi mo,’ kumuha siya ng cellphone at nagbukas ng sex video at pinakita niya sa akin na ganoon daw gawin namin. Sa panahong iyon hindi ko alam ang gagawin ko, kung sisigaw ba ako o ano po. Nasa kuwarto po ako niya nang pinasok ng pamangkin ni madam, hanggang sa punto na sinabi ko, ‘haram!’

“Nagsumbong ako sa amo kong babae, at that time naniwala ang amo ko sa akin dahil nakita niya na nanginginig ako sa takot at nanlalamig. Pero ang nanay ng lalaki na ‘yon ay ako pa ang tinawag na sinungaling. At isa pa po pinagbintangan ako ng anak ni madam na lalaki na kinuha ko raw ang pera niya sa bulsa. Nagpaliwanag ako sabi ko, ‘hindi ko pa nagagalaw ang mga labahan diyan paano ko makukuha ang pera mo?’

“Alam kong gusto nilang baligtarin at palabasin na nagnanakaw ako para lang hindi mapag-usapan ang pagtatangkang pangmomolestiya sa akin. Kaya gusto ko na lang umuwi bago pa ako tuluyang mapahamak dito. Tulungan niyo po ako!”

Sa pagkakataong ito ay ibig kong tawagan ng pansin ang Talentsphere Inc. upang kanilang agarang makuha ang kanilang deployed na worker bago pa tuluyang magahasa o mapagsamantalahan ang ating kabayani.

Obligasyon ng ahensya na masigurong hindi napapahamak ang kanilang ipi­napadalang manggagawa sa ibang bansa.

Para sa lahat ng gustong magpadala ng kanilang sumbong o nais humingi ng tulong para maiparating sa kinauukulan ang kanilang hinaing o suliranin sa ibang bansa, hinihikayat ko po ang lahat na mag-download ng ating mobile app na Bantay OFW. Libre po ito at makikita sa android playstore. (Bantay OFW /  DR. CHIE LEAGUE UMANDAP)

346

Related posts

Leave a Comment