P160-B AYUDA SA HALALAN

0

NAPAKARAMI pang pera ang administrasyong Duterte hanggang ngayon.

Sa kasalukuyan, mayroon pang P160 bilyon ang pamahalaan para sa 2020, ngunit hindi pa inilalabas ng Department of Budget and Management (DBM).

Sabi ni DBM Secretary Wendel Avisado, “for later release” (FLR) ang kategorya ng P160 bilyon.

Idiniin ni Avisado na tanging si Pangulong Rodrigo Duterte ang mayroong kapangyarihan na magpalabas sa DBM ng P160 bilyon.

Aniya, inaantay niya ang utos ni Duterte na ilabas ng DBM ang nasabing multi-bilyong pera ng pamahalaan.

Ibinatay ni Avisado ang kanyang paliwanag sa prosesong itinakda ng batas.

Kaya, ang naturang P160 ­bilyon ay ilalabas ni Avisado hanggang bago matapos ang 2020 batay sa utos ni Duterte.

Ang nasabing halaga ay patungkol sa pondo bilang ayudang pinansiyal sa mga manggagawa at panustos sa pagpapagalaw ng ekonomiya.

Kung magpapasya si Duterte na ilabas ng DBM ang P160 ­bilyon sa mga susunod na araw, o buwan, o pagkatapos na ­maghain ng certificates of candidacy (COC) sa Oktubre ng mga kandidato ng Partido Demokratiko Pilipino – Lakas ng Bayan (PDP – Laban) para sa presidente, bise-presidente, labindalawang senador at iba pa ay ­napakaraming tao ang mabibigyan ng ayuda para sa halalan mula sa nabanggit na ­bilyun-bilyong pera ng pamahalaan.

Totoong sa Mayo 9, 2022 pa ang eleksyon, kaya literal na hindi pang-eleksyon ang P160 bilyon.

Ngunit dito sa Pilipinas ay napakaagang magsimula ang “election period”.

Nagsisimula nang magpakilala, magpasikat, mangako, manindigan sa mga mababaw na isyu at mamigay ng pera ang mga politikong tatakbo sa iba’t ibang posisyon.

‘Yung iba, dadaanin pa sa mga ngiti, sayaw, kembot at kanta upang magbigay ng kaunting saya sa mamamayan.

Pokaragat na ‘yan!

Ngunit, ang pinakamatindi sa lahat ay ang pamamahagi ng napakaraming pera ni Duterte sa mamamayang Filipino.

Pihadong maraming makiki-nabang rito dahil napakalaking halaga ng P160 bilyon.

Naiintindihan ba ninyo?!

Sa sobrang laki ng halagang ‘yan, pihadong gagalaw ang ekonomiya dahil napakaraming tao ang magkakaroon ng pambili ng kanilang mga pangangailangan sa buhay.

Sana, makatanggap kami dahil kasama kami sa milyun-­milyong Filipino na hirap sa buhay.

Ngunit, tinitiyak kong hindi namin iboboto ang mga walang kuwentang politiko.

Kung totohanin ni Duterte ang pamimigay ng pera sa mga tao habang ikinakampanya ang mga kandidato ng PDP – Laban ay huwag n’yo na siyang akusahan ng “vote buying” dahil hindi lang naman siya ang gagawa nito.

Napakaraming politiko ang gumagawa nito sa mga nakalipas na taon.

Ang mahalaga, makarating sa mga mahihirap na Filipino, sa mga manggagawa, magsasaka at mangingisda ang pera ng pamahalaan dahil galing din naman ‘yan sa kanila.

Galing ‘yan sa buwis na ibinayad ng mamamayan at buwis na kasama sa mga produktong binili nila.

Ang totoo, mas mainam na ipamigay ni Duterte ang P160 bilyon sa mga mahihirap na Filipino kaysa mapunta lang sa bank accounts ng mga opisyal ng pamahalaan.

oOo

CP: 09985650271 / Viber #: 09457016911

 
"COMMENT DISCLAIMER: Reader comments posted on this Web site are not in any way endorsed by SAKSI NGAYON. Comments are views by saksingayon.com readers who exercise their right to free expression and they do not necessarily represent or reflect the position or viewpoint of saksingayon.com. While reserving this publication’s right to delete comments that are deemed offensive, indecent or inconsistent with SAKSI NGAYON editorial standards, SAKSI NGAYON may not be held liable for any false information posted by readers in this comments section."

Related posts

Leave a Comment