BAKIT ba hindi maiwasan ang pagkakaroon ng kontrobersya sa mga proyekto sa gobyerno?
Sa tuwina na lang, nakaririnig tayo ng alingasngas magmula pa lang sa bidding. Tila sumpa na nga ang anomalya sa bansa.
Tulad nito. Pinasisilip ng abogadong si Faye Singson kay Agriculture Sec. Francisco Tiu Laurel, Jr. ang bidding sa Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) para sa pagbili ng iba’t ibang klaseng sasakyang-pandagat na nagkakahalaga ng ilang bilyong piso.
Nanawagan si Atty. Singson, na dating assistant prosecutor sa Office of the Ombudsman, kay Sec. Laurel na agad imbestigahan ang pangamba at pag-aalinlangan sa bidding sa BFAR noong Oktubre 10-11.
Aniya, kailangang gumawa ang kalihim ng nararapat na hakbang upang masabi na patas ang bidding.
Nasa ilalim ng mga Bid Reference na 2024-62 at 2024-63, ang mga proyekto ay tumutukoy sa pagbili ng multi-mission offshore vessels, refrigerated cargo vessels, at steel-hulled fishing vessels, at ang lahat ng ito ay nagkakahalaga ng lampas P2.1 bilyon.
Base sa pagbubunyag ng abogado, ang nangyaring Bids and Awards Committee (BAC) meetings noong Setyembre 11-12 ay nagresulta sa pag-isyu ng supplemental bid bulletin na may petsang Setyembre 12, 2024.
Si BFAR Officer-in-Charge Isidro M. Velayo Jr. daw ang nag-chair dito. Malaking usapin ito upang mabalewala ang buong proseso ng bidding at pwede rin itong pagsimulan ng pagsasampa ng mga kasong administratibo.
Dagdag niya, ang mga nilalaman ng bulletin ay utos ni Velayo, at bilang BFAR acting chief, na siyang head ng procuring entity, ay hindi raw ito dapat nakikialam sa mga ginagawa ng BAC, lalo’t ito pa naman ang mag-aapruba sa mga rekomendasyon ng BAC.
Akusasyon ni Atty. Singson, malinaw na niluto raw ang bidding process para mapaboran ang ilang piling kumpanya. Aniya, sadyang minanipula ang requirements at specifications para tumugma sa mga naturang kompanya at nawalan ng tyansa ang mga lehitimong bidder na makipagkompetensiya.
Ang recordings daw ng BAC meetings noong Setyembre 11-12 ang makapagpapatunay sa mga ginawang iregularidad ni Velayo.
Dagdag niya, pribadong pinulong pa raw ni Velayo nang paisa-isa o grupo ang mga miyembro ng technical working group at BAC para idikta ang mga gusto nitong baguhin sa technical specifications ng bidding at malinaw naman daw na ito’y para pumabor sa isang partikular na bidder.
Giit ni Atty. Singson, napakasagrado ng paggastos sa pera ng taumbayan, at kasabay nito ang kanyang panawagan na ibasura ang bidding at sampahan ng administrative complaints si Velayo at mga kasabwat aniya nito.
Sang-ayon tayo kay Atty. Singson sa bagay na iyan. Nakasusuka na ang mga isyu sa paglustay sa pera ng bayan kaya marapat lang ang pag-uusisa upang matukoy kung tama o may pagkakamali ngang nagawa.
49