P20 PER STICK NA YOSI AT ANG LIBRENG GAMUTAN PARA SA LAHAT

USAPANG KABUHAYAN

Tinatayang mga 30 milyong Filipino ang naninigarilyo, at marami sa kanila ang nasa panganib ng kanser sanhi ng usok ng sigarilyo at mga kemikal, kasama na ang formalin na ginagamit na pang-embalsamo ng patay na sumisira sa kanilang mga baga.

Isa sa biktima ng sigarilyo ay ang aking tatay na na-stroke at pagkatapos ay nabalda at nagkaroon ng tuberculosis dahil sa tatlong kaha ng sigarilyo araw-araw.

Simula noong panahon ni dating Pangulong Fidel V. Ramos ay isinabatas na ang tinatawag na “sin” tax sa sigarilyo at alak. Mula sa koleksyon ng sin tax ay pinondohan ang unang Universal Health Care Law na naging pundasyon ng Philhealth natin ngayon. Tuwang-tuwa ako nu’ng naipasa ito dahil namatay ang isang kapatid ko nang hindi nabigyan ng lunas ng doctor at huli na nang siya ay dalhin sa ospital dahil walang pera at panay utang noon ang aming pamilya.

Dahil sa Universal Health Care ay naging institusyon ang murang medical insurance na pwedeng magamit ng isang mahirap at walang perang pamilya ‘pag may isa sa kanila na magkasakit.

Nakabinbin ngayon sa Kamara at Senado ang panukalang taasan pa lalo ang buwis sa sigarilyo at alak para pondohan ang programa ni Pangulong Rodrigo Duterte na libreng gamot at ospital para sa lahat ng mga Filipino ke me trabaho o wala.

Importanteng ipasa na agad ng Kamara at Senado ang mas mataas na sin tax dahil sa ngayon ay milyun-milyong Filipino pa rin ang walang Philhealth coverage.  Samantala, 30 milyon pa rin sa atin ang patuloy na sinisira ang mga baga dahil kaya pa nilang bumili ng yosi.  Sabi nga ng mga health advocates, isang paraan para mapigil ang pagyoyosi lalo na ng mga kabataan ay gawing P20 ang presyo kada stick ng yosi basta may libreng gamot at ospital naman.

Pag ipinasa ang mas mataas na sin tax para sa yosi at alak, awtomatikong magiging miyembro na ng Philhealth ang lahat ke may trabaho o wala. Kulang pa rin ang magiging koleksyon para masiguro na lahat tayo ay kayang bigyan ng libreng gamot at ospital nang sabay-sabay, pero isang magandang panimula na ito.

6

Related posts

Leave a Comment