PAANO NATIN AAMUIN ANG INANG KALIKASAN?

Psychtalk

(Ikalawang Bahagi)

Naturan sa unang bahagi ng artikulong ito ang tungkol sa alienation bilang isang dahilan ng pagkawala na ng koneksyon ng tao at ng Inang Kalikasan. Ang pagkaputol na ito ng ugnayan sa pagitan ng sangkatauhan at ang planetang kumukupkop sa kanya ang isa sa mga nakikitang salik sa pagkawala ng pagpapahalaga sa kalikasan.

Parang sa ugnayan din ng mga tao, mahirap amuin ang isang tao na hindi mo gaanong minamahal. Mahirap ding mahalin ang isang tao na hindi mo naman kilala. Mai­nam na makilala muna ang isang bagay o tao bago talaga ito mabigyang-halaga.

Lalo na sa mga nagkamuwang na sa kalunsuran, mai­nam na makita sa malapitan  o maunawaan ng mas malalim ang kalikasan at iba’t ibang aspeto o porma nito.

Halimbawa, paano mo papahalagahan ang bawat tulo ng tubig sa gripo mo kung hindi mo nauunawaan kung gaano katagal bumuhay ng mga marami-raming puno para makalikha ng rainforest na panggagalingan ng bukal ng tubig? At nauubos na ang rainforests sa Pilipinas.

Na kailangan ng isang tao ng walong puno kada isang taon para makahinga nang maayos sana at hindi na kailanganin ang artificial na airconditioner.

Kung nauunawaan lang na ang nalason ng tubig na ginamit nating paghugas o panligo ay hindi na maibabalik pa bagkus ay sasama na sa tinawag na wastes na siya namang maaaring lumason sa mga nilikha sa katubigan kung hindi maayos ang disposal.

Alam din ba natin na ang tubig na iniinom natin ay sa napakalayong mga dam ang pinanggagalingan sa Cordillera at mga karatig probinsya kung saan sinasalo ang mga tubig-ulan o tubig na galing sa bukal sa mga gubat na sana ay natural lang na dumadaloy sa mga ilog, at ito naman ang ikinatutuyo ng mga ilog sa mas mababang lugar? Mahihiya tayo sigurong mag-aksaya kung alam natin na habang tayo’y nagsasayang, ilang ilog at bukirin sa kapatagan sa Luzon ang hindi gaanong naambunan ng natural na pagdaloy ng tubig sa mga ilog na dati ay nag-uumapaw sa tubig kahit tag-araw at nilalanguyan ng iba’it ibang isda.

Kung alam natin ang mga ito, baka mas marami ang makukumbinsi na kailangan talagang magtanim ulit ng mga puno at iwasan nang magputol ng natitira. (Psychtalk / EVANGELINE C. RUGA, PhD)

112

Related posts

Leave a Comment